MANILA, Philippines – Humiling ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na ipag-freeze ang halos ₱475 milyong halaga ng luxury vehicles na pag-aari ng 26 katao na sangkot umano sa anomalya sa flood control projects.
Kabilang sa mga tinukoy sina dating DPWH Bulacan district engineer Henry Alcantara, dating assistant engineers Brice Hernandez at Jaypee Mendoza, at contractor Pacifico Discaya. Isinuko na ni Hernandez ang isa sa kanyang luxury cars sa Independent Commission on Infrastructure.
Sa kanyang testimonya, inamin ni Alcantara na nakipagtrabaho siya kay DPWH Undersecretary Roberto Bernardo para magbigay ng komisyon mula sa flood control projects sa ilang mambabatas, kabilang sina Senators Jinggoy Estrada at Joel Villanueva, dating senador Bong Revilla Jr., Rep. Zaldy Co, at dating Rep. Mitch Cajayon — na pawang itinanggi ang paratang.
Ibinulgar naman ni Discaya na kadalasang rigged ang bidding process, dahil napagkasunduan na ang mananalong kontratista o napipilitang magbigay ng advance sa kongresista.
Humiling din ang DPWH sa LTO, LRA, CAAP, at MARINA ng kumpletong inventory ng mga sasakyan, lupa, barko, at eroplano na nakarehistro sa mga opisyal ng DPWH at contractors. RNT