Home NATIONWIDE P5.83B pondo inilabas ng DBM sa pagtatayo ng 1,834 klasrum

P5.83B pondo inilabas ng DBM sa pagtatayo ng 1,834 klasrum

MANILA, Philippines – NAGPALABAS ang Department of Budget and Management (DBM) ng kabuuang P5.830 billion para sa konstruksyon o pagtatayo ng 1,834 bagong silid-aralan sa buong bansa.

Sa isang kalatas, sinabi ng DBM na ang mga silid-aralan ay itatayo sa 216 lugar sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Nauna rito, inaprubahan ni Budget Secretary Mina Pangandaman ang Special Allotment Release Order (SARO) para sa pondo noong Marso 18, 2024.

“The timely release of funds for the project signifies our dedication and commitment to help in building a brighter future for our young learners,” ayon kay Pangandaman.

Sususportahan naman ng ipinalabas na pondo ang unang batch ng Basic Education Facilities Fund ng Department of Education (DepEd), sakop ang probisyon ng mga silid-aralan at workshop buildings, pagpapalit ng mga lumang dilapidated buildings, probisyon ng mga kasangkapan, pagkukumpuni at rehabilitasyon ng mga silid-aralan kabilang na ang water at sanitation facilities, at elektripikasyon.

Bahagi ng ipinalabas na pondo ay gagamitin para sa pagtatayo, pagpapalit at pagkompleto sa kindergarten, elementary, at secondary school buildings, at maging sa technical vocational laboratories.

Kabilang din sa proyekto ang pagkakabit o pag-upgrade sa disability access facilities, at maging sa water at sanitation facilities at site improvements para mapaganda ang educational infrastructure sa lahat ng income-class municipalities at lungsod sa buong bansa. Kris Jose

Previous article2 personal na assistant ni Quiboloy sumuko sa NBI
Next articleElreen Ando pasok sa Paris Olympics; Hidilyn Diaz, bigo