Home HOME BANNER STORY P5-K PEI ng gov’t employees, aprubado ni PBBM

P5-K PEI ng gov’t employees, aprubado ni PBBM

254
0

MANILA, Philippines – Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang P5,000 incentive para sa mga government workers.

Ito ang inihayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang matapos na ipalabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang circular para sa patuloy na pagbibigay ng tig-P5,000 Productivity Enhancement Incentive (PEI) para sa Fiscal Year 2025 o bagong bonus para sa mga public employees.

Ang insentibo ay ipagkakaloob sa “government employees as a reward for exceeding agency and financial performance targets, and to motivate employee efforts toward higher productivity,” ayon sa DBM circular na ipinalabas noong December 17, 2025.

“Bilang pagkilala at pagpapahalaga sa mahusay na paglilingkod sa bayan, propesyonalismo at sa mahalagang papel na ginagampanan ng mga kawani ng gobyerno, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang patuloy na pagbibigay ng Productivity Enhancement Incentive o PEI para sa mga kawani ng pamahalaan,” ang sinabi ni Castro.

“Ang nasabing hakbang ng Pangulo ay pagpapakita lamang ng tuluy-tuloy na suporta ng Marcos administration sa pagpapataas ng productivity at morale ng government employees,” aniya pa rin.

Ayon naman sa DBM, inilabas ang Circular Letter No. 2025-13 na nagbibigay-gabay sa lahat ng ahensya ng gobyerno sa pagbibigay ng PEI.

Bawat kuwalipikadong kawani ng gobyerno ay makatatanggap ng tig-P5,000 na hindi maaaring ipagkaloob nang mas maaga sa Disyembre 15, 2025, alinsunod sa Budget Circular No. 2017-4.

“We thank President Ferdinand R. Marcos Jr. for his approval, which enables the continued grant of the Productivity Enhancement Incentive. This reflects our shared commitment in recognizing performance, professionalism, and the vital role of public servants,” ayon kay DBM Acting Secretary Rolly Toledo.

Saklaw ng PEI ang mga civilian employee sa mga ahensya ng pambansang pamahalaan, state universities and colleges, government-owned or -controlled corporations sa ilalim ng DBM, local government units, local water districts, gayundin ang mga military at uniformed personnel.

Sinabi ng DBM na nailabas na ang P9.24-bilyong pondo para sa 2025 PEI sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act.

Ipapatupad ang PEI alinsunod sa mga kundisyon sa serbisyo at performance sa ilalim ng BC No. 2017-4, kung saan maaaring makatanggap ng prorated na halaga ang mga empleyadong nakapaglingkod ng mas mababa sa apat na buwan.

Taun-taon nang ipinagkakaloob ang PEI mula noong 2016 upang kilalanin ang serbisyo publiko at mahikayat ang produktibidad sa burukrasya. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here