Home HOME BANNER STORY P5,000 ayuda sa PUV, tricycle drivers sa Metro Manila, ipamamahagi sa Marso...

P5,000 ayuda sa PUV, tricycle drivers sa Metro Manila, ipamamahagi sa Marso 17 – DSWD

232
0

MANILA, Philippines – Magsisimula na sa Martes, Marso 17 ang pamamahagi ng ₱5,000 cash assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga public utility vehicle (PUV) drivers na naapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Sa unang rollout, tinatayang 139,000 tricycle drivers sa Metro Manila ang makikinabang sa programa. Ang tulong pinansyal ay kukunin mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng ahensya.

Ayon kay Irene Dumlao, itinuturing na nasa “crisis situation” ang mga driver dahil sa tumataas na gastos sa gasolina na direktang nakakaapekto sa kanilang kita.

Magsisimula ang pamamahagi ng ayuda alas-6 ng umaga sa mga payout sites na itinakda ng mga lokal na pamahalaan. Hahatiin ang mga benepisyaryo sa morning at afternoon batches upang hindi maabala ang kanilang pamamasada.

Nilinaw ng DSWD na mga driver mismo ang makatatanggap ng tulong at hindi ang mga operator ng sasakyan.

Plano ring palawakin ang ₱5,000 ayuda para sa jeepney, taxi, at transport network vehicle service (TNVS) drivers matapos makumpleto ang pamamahagi sa mga tricycle driver sa Metro Manila.

Nakikipag-ugnayan na ang DSWD sa Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board upang makuha ang validated list ng iba pang PUV drivers.

Ipinaliwanag din ng DSWD na ang mga programang tulad ng AICS ay hindi lamang para sa pinakamahihirap, dahil maaaring makatanggap ng tulong kahit ang mga nasa middle-income households kung sila ay masuri ng social workers na dumaranas ng krisis.

Ayon kay Rex Gatchalian, layunin ng mga crisis assistance program ng ahensya na magbigay ng agarang tulong sa mga Pilipinong nakararanas ng biglaang problemang pinansyal. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here