NUEVA ECIJA — Naglaan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng kabuuang P50,000 cash assistance at livelihood support para kay Mary Jane Veloso at kanyang pamilya kasunod ng kanyang paglaya.
Bumisita ang mga kawani ng DSWD Field Office 3-Central Luzon sa tahanan ng pamilya sa General Mamerto Natividad, Nueva Ecija nitong Linggo, Setyembre 27, upang magbigay ng tulong at alamin ang kanilang pangangailangan sa kabuhayan.
Tumanggap si Veloso at kanyang mga magulang ng tig-P10,000 o kabuuang P30,000. Nakalaan naman ang karagdagang P20,000 para sa kanyang dalawang anak ngayong Lunes, Setyembre 28.
Nagsagawa rin ang DSWD ng assessment para sa Sustainable Livelihood Program (SLP), kung saan nagpahayag si Veloso ng interes na magtayo ng sari-sari store sa kanilang tahanan bilang posibleng pagkakakitaan ng pamilya.
Ayon sa DSWD, bahagi ito ng patuloy na suporta sa pamilya habang muling nagsisimula si Veloso matapos ang kanyang pagkakakulong.
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang absolute pardon para kay Veloso noong Setyembre 24 at kinumpirma ito sa publiko noong Setyembre 25. Mahigit isang dekada siyang nakulong sa Indonesia matapos mahatulan sa kasong drug trafficking bago siya mailipat sa kustodiya ng Pilipinas noong Disyembre 2024. Santi Celario