MANILA, Philippines – Kalaboso ang isang dayuhang pasahero nang mabuking ang tinatayang ₱55.3 milyong halaga ng shabu na palihim na itinago sa loob ng mga bitbit nitong Bibliya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Pebrero 13.
Ayon sa Bureau of Customs–NAIA, ang naarestong dayuhan ay isang German national na galing sa connecting flight mula Addis Ababa, ay naharang matapos mapansin ang kahina-hinalang imahe sa kanyang bagahe sa pamamagitan ng X-ray Inspection Project (XIP) habang sumasailalim sa routine baggage screening.
Dahil sa alerto, agad nagsagawa ng 100 porsiyentong pisikal na inspeksiyon ang mga tauhan ng Customs. Dito nadiskubre ang mga puting kristal na hinihinalang shabu na itinago sa lihim na compartment ng lining ng maleta at isiniksik pa sa loob ng dalawang Bibliyang ginawang taguan. Nakabalot pa umano ang mga ito sa makakapal na plastic at duct tape.
Tinatayang may bigat na 8,145 gramo ang nasabat na ilegal na droga na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱55,386,000. Positibo rin sa Methamphetamine Hydrochloride o shabu ang resulta ng isinagawang K9 sweep at field testing.
Pinangunahan ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng BOC-NAIA, Customs Anti-Illegal Drug Task Force, NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Kaagad na isinuko sa PDEA ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya para sa masusing imbestigasyon at pagsasampa ng kaso kaugnay ng paglabag sa Republic Act 9165 at Republic Act 10863.
Iginiit ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno na patunay ang pagkakasabat sa patuloy na paghihigpit ng ahensya sa lahat ng pantalan ng bansa. JAY Reyes