MANILA, Philippines – Nasamsam ng National Bureau of Investigation Intellectual Property Rights Division (NBI-IPRD) ang P55 milyong halaga ng mga pekeng produkto sa serye ng mga operasyon na isinagawa noong Mayo 6-7 sa Parañaque, Malabon, at Maynila.
Ang operasyon sa pamamagitan ng multiple search warrant na isinilbi ay nag-ugat sa reklamo ng isang abogado at kinatawan ng Oakley, Gucci, at Yves Saint Laurent.
Noong Mayo 6, ipinatupad ang search warrant laban sa AJS Online at/o Sarigayo Online Store sa Parañaque, na nagresulta sa pagkakasamsam ng 1,083 piraso ng mga pekeng produkto na may tatak na “Oakley” na may tinatayang halagang P3,556,500.
Noong Mayo 7, ipinatupad ang search warrant laban sa apat na tindahan sa Binondo, Maynila, at isang bodega na matatagpuan sa Malabon City, na nagresulta sa pagkakakumpiska ng 1,024 piraso ng pekeng produktong “Gucci” at “Yves Saint Laurent” na tinatayang nagkakahalaga ng P51,646,470.
Pinaalalahanan ni NBI Director Jaime Santiago ang publiko na iwasan ang pagtangkilik sa mga pekeng produkto upang mabigyan ng kaukulang proteksyon ang mga karapatan ng mga may-ari ng ari-arian at mapahusay ang paglago ng ekonomiya ng bansa. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)