Home METRO P6.7M shabu muling nabingwit sa WPS

P6.7M shabu muling nabingwit sa WPS

CAMP FLORENDO, La Union- Nadiskubre ng mga mangingisda ang pakete ng shabu na palutang-lutang sa West Philippine Sea sa Barangay Daclapan, Cabugao, Ilocos Sur noong Sabado ng gabi, Hunyo 29.

Kinumpirma ng Ilocos Sur Provincial Forensic Unit ang kontrabando bilang shabu na may bigat na 997.51 gramo at nagkakahalaga ng P6,783,068.

Base sa mga pulis, nakalagay ang item sa isang transparent aqua blue plastic pack at iniulat sa Cabugao Police Station.  

Makalipas ang ilang oras, noong Linggo, Hunyo 30, narekober naman ng mga mangingisda ang dalawang pakete ng hinihinalang shabu sa WPS sa Barangay Apatot, San Esteban, Ilocos Sur.

Dinala ng San Esteban police ang items sa Ilocos Sur Provincial Police Forensic Unit para sa pagsusuri at kumpirmasyon.

Noong nakaraang linggo, may kabuuang 80 pakete ng shabu sa dagat sa Ilocos Sur at Ilocos Norte, na may bigat na kabuuang 80 kilo at nagkakahalaga ng P550.5 milyon.

Hinikayat ni Ilocos police chief Police Brig. Gen. Lou F. Evangelista ang komunidad na manatiling alerto at iulat ang anumang pagkakadiskubre sa mga awtoridad.

Sinabi ni Evangelista na nakikipag-ugnayan sila sa iba pang law enforcement agencies upang matukoy ang pinagmulan ng kontrabando.

Inihayag ni Ilocos Sur Provincial Board Member Efren Rafanan na sinusuri na ng mga awtoridad ang coastal areas ng Ilocos Sur at Ilocos Norte upang mahanap ang natitirang pakete ng shabu sa dagat. RNT/SA