MANILA, Philippines – Aabot sa P61.02 bilyon ang direktang pondo para sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa sa ilalim ng panukalang 2027 National Expenditure Program (NEP), ayon sa Department of Education (DepEd).
Higit doble ito kumpara sa humigit-kumulang P30 bilyong school-level funding noong 2022. Kasama ang school Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) sa panukalang P975.96-bilyong budget ng DepEd para sa 2027.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, mahalaga ang direktang MOOE sa pagpapatupad ng layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mapabuti ang basic education.
“By simplifying our funding formulas and steadily expanding per-learner operational support, we are removing unnecessary bottlenecks so our school administrators and teachers can focus on teaching rather than worrying about basic school upkeep,” ani Angara.
Sa ilalim ng panukalang 2027 budget, P2,982 ang MOOE kada mag-aaral sa kindergarten hanggang Grade 6; P2,744 sa Grades 7 hanggang 10; at P3,558 sa Grades 11 hanggang 12.
Ang P61.02 bilyong school operating budget ay bahagyang mas mataas sa P60.89 bilyong inilaan sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA).
Ganap ding ipatutupad ng DepEd ang Simplified Normative Funding Formula (SNFF) upang mapabilis at gawing mas patas ang distribusyon ng pondo, batay sa enrollment at pangunahing datos ng bawat paaralan. RNT/MDS