Home NATIONWIDE P776M pumasok na pera sa Cale88, sinita ni Gatchalian; P2B glitch sa...

P776M pumasok na pera sa Cale88, sinita ni Gatchalian; P2B glitch sa account ni Carpio, kinuwestiyon ni Sotto

1
0

MANILA, Philippines – Tinutukan ng mga senador-hukom ang mga transaksyon ng Cale88 Foods Corporation at ni Atty. Manases “Mans” Carpio sa Day 34 ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Martes, October 6, 2026.

Tinanong ni Senator-judge Sherwin Gatchalian si AMLC Secretariat Executive Director Ronel Buenaventura tungkol sa umano’y red flags sa ₱776 milyon na financial inflow sa account ng Cale88.

“If the ₱776 million cannot be found in the books, is Cale88 a candidate for money laundering?” sabi ni Gatchalian.

Sumagot si Buenaventura na bagamat maaaring maging simula ng imbestigasyon ang isang hindi naitalang inflow na mas malaki kaysa capital o declared assets ng kumpanya, kailangang patunayan muna ng AMLC ang “predicate crime” o pinagmulan ng krimen gaya ng drug trafficking o korapsyon para masabing money laundering ito.

Itinuro ni Gatchalian na kahit ₱125,000 lang ang paid-up capital ng Cale88 at ₱23 milyon lang ang cumulative sales nito mula 2021, lumabas sa records na may ₱776 milyon na pumasok. Aniya, kalahati nito ay galing sa mga foreign entity.

Kinuwestyon naman ni Senator-judge Vicente Sotto III ang umano’y P2 bilyong “system glitch” sa transaction reports ng account ni Carpio sa Bank of the Philippine Islands o BPI.

Sa pagdinig, kinumpirma ni Buenaventura na naghain ang BPI ng request para burahin ang 13 na maling covered transaction reports o CTRs. Ayon sa AMLC, ang P6.7 bilyon sa 630 covered at 33 suspicious transactions na iniulat ng BPI ay may bahagi umanong P2 bilyon na nagkamali at dapat ay P2 milyon lang.

“Nag-request ang BPI ng correction, ni-validate namin at nag-conduct ng audit. Nakita namin na may error sa reporting kaya pinayagan namin ang request,” sabi ni Buenaventura.

Pero nagduda si Sotto sa laki ng pagkakamali. “Sa tagal ko na may bank account sa iba’t ibang bangko, hindi ko pa narinig o nakilala na may naging bilyonaryo dahil sa bank system glitch,” aniya.

Sinabi ni Buenaventura na hindi niya masasabi kung karaniwan ito, pero ito ang unang ganoong kalaking discrepancy na natanggap niya bilang executive director. Idinagdag niyang regular na tumatanggap ang AMLC ng request para itama ang mga error sa pag-uulat.

Nang tanungin kung ilang account sa buong bansa ang nakaranas ng ganitong glitch at kung aling mga bangko ang apektado, sinabi ni Buenaventura na wala siyang maisusumite na impormasyon.

Kinumpirma niya na 13 CTRs ang itinuring na erroneous sa kaso ni Carpio base sa kanyang na-review na records.   Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here