Home METRO P7K clothing allowance, naantalang sahod ng health workers, ibinahagi ni Yorme Isko...

P7K clothing allowance, naantalang sahod ng health workers, ibinahagi ni Yorme Isko sa mga kawani ng Manila LGU

181
0

MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na higit P66 milyon ang ilalabas na pondo para sa clothing allowance ng nasa mahigit 9,000 kawani ng pamahalaang lungsod ng Maynila nitong Lunes (Pebrero 23).

Sa ginanap na flag-raising ceremony sa City Hall, sinabi ng alkalde na 8,543 regular employees ang tatanggap ng tig-₱7,000 cash bilang kanilang 2026 clothing allowance.

“Imbes na uniporme ang ibili ko, ibinigay ko na lang nang cash ang ₱7,000 para may magamit kayo agad,” ani Yorme, sabay palakpakan ng mga empleyado.

Bukod dito, isiniwalat ng alkalde na 1,063 kawani na hindi nakatanggap ng clothing allowance mula 2021 hanggang 2025 ay makukuha na rin ang kanilang benepisyo.

Kabilang dito ang 10 noong 2021; 62 noong 2022; 131 noong 2023; 181 noong 2024; at 679 nitong 2025.

“Kung sino ka man sa mahigit isang libo na hindi nakakuha noon, makukuha mo na ‘yan ngayon,” giit ng alkalde.

Ayon pa kay Domagoso, tuluy-tuloy ang releasing ng natitirang payroll mula Pebrero 24 hanggang 27. Mas pinili raw niyang gawing cash ang ayuda upang mas malaya ang mga empleyado sa paggastos para sa pangangailangan ng kanilang pamilya.

Samantala, tiniyak din ng alkalde na mababayaran na ngayong linggo ang naantalang sahod ng mga Job Order (JO) at Contract of Service (COS) personnel sa ilalim ng Manila Health Department at mga ospital ng lungsod.

Kabilang sa maaapektuhan ng payroll ang mga kawani ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Ospital ng Tondo, Justice Jose Abad Santos General Hospital, Ospital ng Sampaloc, Sta. Ana Hospital, Ospital ng Maynila Medical Center at President Corazon C. Aquino General Hospital.

Paliwanag ni Yorme, nagkaroon lamang ng delay dahil inilipat ang salary charging mula General Fund patungo sa Special Health Fund o trust fund ng lungsod.

“Rest assured, this week may sweldo na kayo. Nagka-delay lang dahil sa papeles at charging — nothing more, nothing less,” diin ng alkalde.

Dagdag pa niya, patuloy ang ginagawang fiscal maneuvering ng administrasyon upang matiyak na legal, maayos, at sapat ang pondong magbibigay ng kapanatagan sa mga empleyado.

“Hindi perpekto ang inyong lingkod at ang gobyerno ng Maynila. Pero sisikapin nating maging masinop, mahinahon, at episyente sa paglilingkod,” pagtatapos ni Yorme Isko. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here