ILIGAN CITY- Nadakip ng mga pulis ang isang murder suspect at nakuhanan pa ito ng shabu na nagkakahalaga ng P8.8 milyon sa lugar na ito nitong Huwebes.
Natukoy ang suspek na isang 36-anyos na lalaking ika-apat na most wanted person sa lugar na ito at Top 2 sa police at Philippine Drug Enforcement Agency regional level watchlist.
Nadakip siya sa bisa ng warrant of arrest para sa frustrated murder na may petsang Agosto 28 na ipinalabas ni Judge Jose Alfonso M. Gomos, acting Presiding Judge ng Lanao del Norte Regional Trial Court Branch 5 sa lugar na ito.
Nagrekomenda ng P120,00 piyansa sa suspek.
Tumakbo sa kanyang silid ang suspek habang isinisilbi ng mga awtoridad ang dokumento.
Na-korner siya sa kwarto, kung saan nadiskubre ng mga pulis ang isang malaking bukas na transparent plastic bag na naglalaman ng hinihinalang shabu, apat na forceps, at dalawang digital weighing scales.
Halos 1.3 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P8.8 milyon ang nakumpiska mula sa suspek. Sumasailalim na ang kontrabando sa laboratory validation.
Sinabi ni Police Major Marvin Cajegas, Iligan City police Station 5 chief, kumukuha umano ang suspek ng supply ng shabu mula sa mga karatig-lalawigan. RNT/SA