Home NATIONWIDE P8-B DPWH projects sa “Cabral files” gustong paimbestigahan ni Leviste

P8-B DPWH projects sa “Cabral files” gustong paimbestigahan ni Leviste

271
0

MANILA, Philippines – Humiling si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste ng imbestigasyon sa 75 proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagkakahalaga ng P8 bilyon, na umano’y mula sa mga file ng yumaong DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral at may tag na “OP (ES/SAP)” bilang proponent.

Ibinahagi ni Leviste ang listahan sa kanyang Facebook page noong Miyerkules ng gabi.

Ayon sa kanya, kabilang sa mga proyekto ang isang P300 milyong streetlight project sa kanyang distrito.

“Ibinabahagi ko ito dahil may iba nang media report na nagtalakay nito, upang magkaroon ang publiko ng buong larawan ng listahan at makatulong ang ating mga kababayan sa pagsasagawa ng sarili nilang pagsusuri sa mga proyekto dito at iba pang impormasyon na maaaring makatulong sa mga imbestigasyon na posibleng isagawa ng ating mga ginagalang na Senador at Kongresista sa 2026,” pahayag ni Leviste.

Nilinaw ni Leviste na hindi niya alam kung sino ang tunay na tinutukoy ng “OP (ES/SAP)” na naka-tag bilang proponent ng mga proyekto.

Aniya, 60 porsiyento ng mga proyekto ay para sa flood control at slope protection, habang 40 porsiyento ay streetlight projects.

“Hindi natin alam kung sino talaga ang ‘OP (ES/SAP)’ na naka-tag bilang proponent ng P8B na mga proyektong tinanggap ng DPWH. Ang tag na ito ay kahawig ng mga acronym – OP (Office of the President), ES (Executive Secretary), at SAP (Special Assistant to the President) – at maaaring tumutukoy ito sa mga opisina, hindi sa mismong mga tao,” ayon sa kanya.

Sa isa pang Facebook post, sinabi ni Leviste na dapat pangunahan ng Kongreso at Senado ang imbestigasyon.

“Hahayaan natin ang mga beterano sa Kongreso at Senado na manguna sa imbestigasyon at mahalaga na malaman kung sino ang ‘OP (ES/SAP)’ nagpapondo nito dahil hindi naman po pwedeng biglang may mga maanomalyang P8B proyekto na sumusulpot at hindi natin maipaliwanag bakit nasa loob siya ng ating budget,” aniya.

Nauna nang itinanggi ni dating Executive Secretary Lucas Bersamin na siya ay may kinalaman sa anumang DPWH project o pondo.

“I am aghast and outraged at the insinuation that the tag ‘ES’ found in the so-called Cabral Files pertained to me as the then Executive Secretary to whom was allocated P8.3 billion worth of DPWH projects under the GAA 2025,” pahayag ni Bersamin.

Ito ay kasunod ng sinabi ni Senate Pro Tempore Panfilo Lacson na ang umano’y Cabral files ay naglalaman ng mga proyektong may kinalaman sa ilang Cabinet members, kabilang ang may tag na “ES.”

Ayon kay Leviste, naniniwala siyang hindi si Bersamin ang tinutukoy ng “OP (ES/SAP).”

“Naniniwala akong hindi ito si dating ES Lucas Bersamin dahil nagtanong ako sa kanila at sinabi nila na wala silang kaalaman tungkol dito at buo ang kanilang suporta para sa isang imbestigasyon upang matukoy kung sino ito. Umaasa akong susuportahan din ng iba ang imbestigasyon dito,” aniya.

Sinabi rin ni Leviste na nakuha niya ang bagong kopya ng Cabral files mula sa ibang source na kumuha umano ng mga dokumento mula sa DPWH, at pareho ang nilalaman nito sa hawak niyang kopya.

Nanawagan siya na ang DPWH mismo ang maglabas ng lahat ng files sa publiko upang linawin ang isyu.

“Naniniwala ako na pinakamabuting ang DPWH mismo ang maglabas ng lahat ng files sa publiko, upang hindi na ito kuwestiyunin nila at upang sila na rin ang makapagpaliwanag, sa pinakamaagang panahon, at mapawi ang mga espekulasyong may itinatago,” ani Leviste.

Binanggit ng mambabatas na ang pinakamahal na proyekto sa listahan ay ang P300 milyong streetlight project sa Tagaytay–Nasugbu Highway, na na-award sa halagang P280,816,956, o P233,624 kada streetlight.

“Naka-post sa Facebook ang mga larawan ng mga nakakabit nang mga streetlights ng aking naunang pagbisita. Kailangan talaga ang mga proyektong tulad nito, ngunit mas mabuti sana kung hindi ganito kamahal,” ayon kay Leviste.

“Mahirap pong sabihin na walang anomalya ang proyektong iyon,” dagdag pa niya.

Sumunod na pinakamahal ang mga P250 milyong proyekto sa Oriental at Occidental Mindoro, habang ang pinakamurang proyekto ay P25.004 milyon para sa Daang Maharlika o Pan-Philippine Highway.

Ayon kay Leviste, maaaring magsagawa ang publiko ng sariling pagsasaliksik tungkol sa mga proyekto ng DPWH, mga kontratista, at halaga ng mga ito sa https://apps2.dpwh.gov.ph/infra_projects/. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here