CEBU, Philippines – Mahigit 1,000 kahon ng umano’y smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng P70 milyon hanggang P80 milyon ang nasamsam sa reclamation area ng Mandaue City.
Ayon kay Coast Guard Station Cebu commander Capt. Jerome Lozada, natagpuan ang mga kontrabandong tobacco products sa loob ng inabandonang 20-foot at 40-foot container vans nitong Martes ng madaling araw.
Sinabi ni Lozada na nakatanggap ng impormasyon ang Philippine Coast Guard tungkol sa shipment ng smuggled cigarettes na daraong umano sa Cebu sa pamamagitan ng Pier 7 kaya naghigpit sila ng monitoring sa mga pantalan.
Bandang alas-3 ng madaling araw nang mamataan ang dalawang trailer truck na palabas ng Pier 7, ngunit tumakas umano ang mga driver nito ilang metro pa lamang ang layo at iniwan ang mga kargamento.
Sinuri kalaunan ng Coast Guard, kasama ang Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue, ang mga container van at doon nadiskubre ang mga kahon ng tobacco products.
Ayon kay Lozada, hinintay pa nilang bumalik ang mga driver ngunit hindi na ito nagpakita kaya isinailalim na sa inspeksyon ang mga truck.
Dagdag pa niya, ikalawang beses na itong may malaking shipment ng smuggled cigarettes na nasamsam sa lugar. Mary Anne Sapico