“MAUGONG” na ang mga balita hinggil sa mangyayaring “balasahan” sa administrasyon sa pagtatapos ng ‘one-year election ban’ sa susunod na buwan.
At isa sa sinasabing “napipisil” ng Malakanyang na mabigyan ng pwesto ay si dating Albay Second District Representative Joey Salceda na ang ambisyon na muling makabalik bilang gobernador noong 2025 elections ay “sinilat” ni Governor Noel Rosal.
“Ibibigay” umano kay Salceda ang ‘PLLO’ (Presidential Legislative Office), isang ‘Cabinet-rank position’ na responsable upang matiyak na maging batas ang ‘priority bills’ ni Pangulong Bongbong Marcos.
Bukod sa pagiging beteranong politiko at kilalang “ekonomista,” dati na ring naglingkod bilang
‘Presidential Chief of Staff’ si Cong. Joey kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kaya sadyang alam niya ang kanyang dapat na mga gawin sakaling maging ‘liaison’ ng Palasyo sa Kongreso at Senado.
Pagkakataon na rin ito ni Salceda na “maisingit” ang matagal na niyang ‘pet bill’ na gumawa (na naman) o ng bagong departamento na nakatutok sa ‘disaster risk reduction’ na pangunahing responsibilidad ng ‘OCD’ (Office of the Civil Defense) at ng ‘NDRRMC’ (National Disaster and Risk Reduction Management Council) na isa sa malaking responsibilidad ni Defense National Secretary Gibo Teodoro—at nagagampanan naman niya ng maayos.
Totoo, kailangan talagang palagi tayong handa sa mga delubyo at kalamidad subalit kagyat bang solusyon na “dagdagan” (na naman) ang ating burukrasya? Totoo rin na marami pang dapat gawin upang mapalakas ang ating kahandaan pero, ang bagong departamento ba talaga ang solusyon? O mas mainam na tingnan kung paano pa palalakasin ang OCD at NDRRMC?
Kung sa pagiging “makulit,” sadyang “makulit” si dating Cong Salceda para mangyari ang kanyang gusto. Patunay dito ang TRAIN Law, CREATE Law, amyenda sa Senior Citizens Law at Free College Education Law—magagandang batas na kung hindi niya “tinutukan”, malabong naging mga batas.
Ang “problema” nga lang, dahil ‘obsessed’ siya sa paggawa ng bagong departamento, hindi kaya “masakripisyo” ang mga panukala na agarang gustong maipasa ng Pangulo? Sa nakaraang LEDAC, nagkasundo ang Palasyo at Kongreso sa ’21 priority bills’ na dapat tutukan ng ika-20 Kongreso. At WALA sa mga ito ang bagong Department of Disaster and Risk Reduction ni Salceda.
At papayag din kaya ang ibang Gabinete na “sagasaan” at “sakupin” niya ang kanilang mga “teritoryo” katulad ng DND, DILG, DOST, etc.?
Abangan!






