HALOS araw-araw na lamang ang disgrasya sa kalsada na madalas ay nauuwi pa sa kamatayan. Sa mga nagdaang kaso ng road crash, madalas nating marinig sa mga sangkot na driver ang dahilang “hindi po kumagat ang preno” o kaya naman ay “nakatulog po ako.” At kung susuriin pa ang ibang kaso, lalabas na kontribusyon din sa aksidente ang biglaang pagpreno, swerving o biglaang pagliko, hindi pagtupad sa safe breaking distance at overspeeding sa highways lalo na sa expressways.
Nito lamang nakaraang Martes, tatlong miyembro ng pamilya ang binawian ng buhay matapos mabangga ng isang truck ang kotseng kanilang sinasakyan sa bandang Alabang-Muntinlupa sa kahabaan ng north bound lane ng SLEX (South Luzon Expressway).
Ayon sa mga awtoridad, biglang nagmenor ang kotse para kumanan papasok sa rampa ng Skyway sakto namang paparating ang rumaragasang truck kaya nangyari ang banggaan.
Hindi natin layuning tuligsain ang mismong mga driver na sangkot sa aksidente. Magbibigay lamang tayo ng opinyon at rekomendasyon upang may matutunan ang ating mga kababayan.
Napakadelikado nang biglaang pagmenor o pagpreno lalo na sa expressways. Maling-mali ang pagdedesisyon sa huling segundo tulad ng pagliko kahit bawal, pagtawid sa solid line, o pag-reverse kahit may kasunod na sasakyan. Ang ganitong asal ay malinaw na paglabag sa traffic rules at nagpapakita ng kakulangan sa disiplina sa kalsada na nagdudulot ng road crash.
Hindi rin mawawala ang overspeeding bilang pangunahing ugat ng disgrasya. Kapag mabilis ang takbo, kailangang mapanatiling hindi lumalampas sa maximum speed ang takbo ng sasakyan. Kailangan din mapanatili ang safe braking distance o stopping distance. Tinatawag natin itong “3-second rule” sa Land Transportation Office o “4-second rule” naman sa abroad. Kulang ang pahinang ito para mailarawan ang ganitong rule, kaya paki-google na lang, dear readers, he-he-he.
Kung tayo ay magmamaneho, kailangan nating panindigan ang pagiging responsable at disiplinadong lisensyadong driver na may sapat na tulog, hindi lango sa alak at hindi naka-droga. Seryosong sundin ang napag-aralan sa driving school at mga panuntunan ng LTO kabilang ang katamtamang bilis, maagang pag-signal, pagsunod sa linya at karatula, regular na maintenance ng sasakyan, at good manners and right conduct o GMRC para iwas na rin sa ‘road rage.’
MALIGAYANG PASKO AT MANIGONG BAGONG TAON SA INYONG LAHAT!






