MANILA, Philippines – Humiling si Senator Robinhood Padilla kay Senate Secretary Renato Bantug Jr. na ilabas ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) sa publiko matapos na kalusin ng Office of the Ombudsman ang restriksyon sa public access ng mga SALN ng mga opisyal ng pamahalaan.
“Ako po ay sumusulat sa inyo upang ipahayag ang aking kusang-loob na pagbibigay ng waiver o pahintulot sa anumang aksyon o proseso kaugnay ng full disclosure ng aking Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) alinsunod sa umiiral na batas tulad ng Republic Act No. 1073 o Data Privacy Act, iba pang patakaran, at alituntunin ng pamahalaan,” saad sa liham ni Padilla nitong Miyerkules, Oktubre 15.
“Ako ay nakikiisa sa diwa ng ganap na pagpapahayag at katapatan batay sa prinsipyo ng ‘Public office is a public trust’ na nakasaad sa Saligang Batas. Nauunawaan ko ang mga probisyon ng Republic Act No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, at bilang isang lingkod-bayan, buong-puso kong isinusumite aking sarili sa pagsisiyasat ng sambayanan,” dagdag pa niya.
Sakop ng memo ng Ombudsman ang SALN ng Pangulo, Bise Presidente, mga pinuno ng Constitutional Offices, at local government officials lalo’t ang Ombudsman ang official repository ng mga SALN ng mga opisyal na ito.
Ang bagong polisiya ay pagbaliktad sa 2020 memo na inisyu ng sinundan ni Remulla na si dating
Ombudsman Samuel Martires, na nagbabawal sa public access ng SALN sa pag-oobliga ng pagpayag muna ng may-ari ng SALN para ito ay ipakita.
Ayon sa Civil Service Commission, ang pinuno ng personnel/administrative unit o unit/human resource management office ay dapat na magpasa ng lahat ng orihinal na kopya ng mga SALN sa concerned offices.
Sa kaso ng mga senador, ang repository office para sa kanilang SALN ay ang office of the Secretary of the Senate. RNT/JGC