MANILA, Philippines – Posibleng muling payagan ang pagtatayo ng mga bagong economic zone sa Metro Manila matapos suportahan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pag-aalis ng moratorium na nagbabawal sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA) na tumanggap ng bagong aplikasyon sa National Capital Region.
Ayon kay Trade Secretary Cristina Roque, inaprubahan na nila ni Finance Secretary Frederick Go ang panukalang alisin ang Administrative Order (AO) No. 18, na ngayon ay isinumite na para sa pag-apruba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“We already approved the lifting of AO 18,” ani Roque sa mga mamamahayag.
Ang AO 18 ay ipinalabas noong 2019 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte upang ihinto ang pagtanggap, pagproseso at pagsusuri ng mga aplikasyon para sa mga bagong ecozone sa Metro Manila bilang bahagi ng pagsisikap na mahikayat ang mga mamumuhunan na magtayo ng negosyo sa mga lalawigan.
Kailangan umanong maglabas ng panibagong administrative order si Pangulong Marcos upang tuluyang mapawalang-bisa ang AO 18.
Matagal nang isinusulong ng PEZA ang pag-alis ng moratorium dahil nananatiling mataas ang demand para sa incentive-eligible office spaces sa Metro Manila, partikular mula sa information technology at business process management (IT-BPM) companies.
Kailangan kasing nakabase sa PEZA-accredited buildings ang mga kumpanyang nais makinabang sa mga insentibo ng ahensya.
Noong 2021 pa hiniling ng PEZA ang pag-alis ng moratorium at muling umapela sa Fiscal Incentives Review Board noong 2022, ngunit tinanggihan ito dahil nananatili umanong mahalaga ang polisiya sa pagsusulong ng rural development.
Gayunman, sinabi ng property consultancy na Colliers Philippines na hindi na akma ang blanket ban sa kasalukuyang pangangailangan ng merkado.
Ayon sa ulat nito, nasa 70 porsiyento pa rin ng IT-BPM office transactions sa unang quarter ng 2026 ang naganap sa Metro Manila, habang ang natitirang 30 porsiyento ay nasa mga probinsiya, higit na sa Cebu at Iloilo.
Kapag tuluyang inalis ang moratorium, inaasahang muling sisigla ang mga aplikasyon para sa mga bagong PEZA-accredited developments sa Metro Manila, kabilang ang mga proyekto sa Arca South sa Taguig, Bridgetowne sa Ortigas, at isang innovation hub sa Makati na sinusuportahan ng Yuchengco Group.
Noong ipatupad ang AO 18 noong 2019, nasa 131 ecozone proposals na may paunang pag-apruba na mula sa PEZA Board ang hindi naituloy.
Noong 2023, nagpalabas si Pangulong Marcos ng AO 11, na nagpapahintulot sa mga aplikanteng may pre-qualification clearance bago ipatupad ang AO 18 na muling magsumite ng kanilang aplikasyon, ngunit nanatili ang moratorium para sa mga bagong aplikasyon sa Metro Manila. RNT/JGC