MANILA, Philippines- Pinuri ni Senador Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health and demography, ang Department of Health (DOH) at si Secretary Teodoro Herbosa sa pagpapalabas ng Administrative Order (AO) No. 2024-0017.
Inaalis na ng AO ang requirement sa mga senior citizen na magpakita ng purchase booklet para maka-avail ng mandatong 20% discount sa mga gamot sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 9994, mas kilala bilang Expanded Senior Citizens Act of 2010.
Ang inisyatiba ay itinuturing na malaking tulong na mabawasan ang abala para sa seniors sa pag-access ng abot-kayang gamot.
“Napakalaking ginhawa nito para sa ating mga lolo at lola. Minsan mahirap dalhin ang purchase booklet, pero kailangan-kailangan nila ang diskwento sa gamot. Ito ang sagot sa kanilang hinaing,” ani Herbosa.
Ganito rin ang sentimyento ni Senator Go kaya suportado niya ang nasabing hakbang ng DOH.
“Isa itong napapanahong hakbang para masigurong naibibigay sa ating mga senior citizen ang nararapat na benepisyo ayon sa batas. Hindi dapat maging hadlang ang mga lumang requirements sa kanilang kalusugan at karapatan,” ani Senator Go.
Sa ilalim ng AO, ang mga senior citizen ay kailangan na lamang magpakita ng valid identification at reseta ng doktor para makakuha ng diskwento.
Ginagamit ang booklet ng mga senior sa mga botika para sa pagsubaybay sa pagbili ng mga gamot na over-the-counter (OTC).
Ipinaliwanag ni Herbosa na ang mga pagsasaayos ay kinakailangan upang maiayon ang mga alituntunin ng DOH sa RA No. 9994. Bahagi ito ng mas malawak na pagsisikap na gawing makatao ang mga polisiya sa healthcare at matiyak ang accessibility para sa vulnerable populations.
“Ang mahalaga, napapadali ang proseso at naiiwasan ang abala. Ang batas ay para sa tao, hindi ang tao ang dapat mag-adjust sa batas,” idiniin ni Senator Go.
Bilang isa sa nangungunang boses ng Senado para sa reporma sa kalusugan, patuloy na inuuna ni Go ang mga hakbang na nagpapadali sa pag-access sa healthcare, partikular sa marginalized sectors.
May bisa na ang DOH administrative order at inaasahang agad na makikinabang ang milyun-milyong senior citizens sa buong bansa. Ang mga botika at parmasya ay inatasan na ipatupad ito upang matiyak ang maayos na transaksyon.
“Kapag may oportunidad na gawing mas madali ang mga sistema, gawin na natin,” sabi ni Senator Go. RNT