Home NATIONWIDE Pag-amyenda ng WHO sa global health rules sa pandemya, ‘di sinang-ayunan ng...

Pag-amyenda ng WHO sa global health rules sa pandemya, ‘di sinang-ayunan ng US

300
0

UNITED STATES – Tinanggihan ng Estados Unidos ang mga amyendang inaprubahan noong 2024 ng World Health Organization (WHO) kaugnay ng kanilang International Health Regulations (IHR), na layong pahusayin ang global response sa mga susunod na pandemya.

Sa isang pahayag ng US Department of State at Department of Health and Human Services nitong Biyernes, Hulyo 18, ipinasa na nila ang opisyal na pagtutol ng Amerika sa mga nabanggit na amyenda na pinagtibay ng consensus ng mga kasaping bansa ng WHO.

Kabilang sa mga binagong patakaran ang paglikha ng bagong kategoryang “pandemic emergency” para sa mga krisis pangkalusugan na may malawakang epekto sa buong mundo.

Ayon sa pahayag, “Developed without adequate public input, these amendments expand the role of the WHO… and promote WHO’s ability to facilitate ‘equitable access’ of health commodities.”

“Terminology throughout the 2024 amendments is vague and broad, risking WHO-coordinated international responses that focus on political issues like solidarity, rather than rapid and effective actions,” saad pa sa pahayag na inisyu nina Secretary of State Marco Rubio at Secretary of Health and Human Services Robert F. Kennedy Jr.

Matatandaang kinondena ni Kennedy ang WHO sa isang video address sa World Health Assembly noong Mayo, kung saan ipinasa ang isang hiwalay na pandemic accord matapos ang tatlong taong negosasyon.

Layon ng kasunduang iyon na tiyaking may patas na access sa mga bakuna, gamot, at testing kits ang mga mahihirap na bansa sa panahon ng pandemya, kabilang ang alokasyon ng 20% ng mga ito sa WHO mula sa mga gumagawa.

Gayunman, umatras ang mga US negotiator mula sa pag-uusap kasunod ng desisyong simulan ni Pangulong Donald Trump ang 12-buwang proseso ng pagkalas ng US mula sa WHO noong Enero, dahilan upang hindi na saklawin ang bansa ng naturang kasunduan.

Iginiit nina Kennedy at Rubio na ang pagtanggi ay para sa “pagtatanggol sa soberanya ng Amerika.”

Subalit nilinaw ng WHO na ang parehong IHR amendments at pandemic pact ay hindi nagpapawalang-bisa sa awtoridad ng mga pambansang pamahalaan sa pagdedesisyon sa mga patakarang pangkalusugan. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here