Home NATIONWIDE Pag-audit ng flood control projects ni PBBM, suportado ng Senado

Pag-audit ng flood control projects ni PBBM, suportado ng Senado

300
0
Nagsilabasan mula sa Senado ang mga empleyado dahil sa malakas na lindol nitong Martes ng tanghali. Cesar Morales

MANILA, Philippines – Suportado ng ilang senador ang kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na magsagawa ng audit sa 5,500 flood control projects sa nakalipas na tatlong taon matapos lumubog sa baha  ang maraming lugar sa buong bansa.

Kasabay nito, ipinag-utos din ni Marcos sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ang paghahabol sa sinumang nakinabang na pulitiko, kontratista at opisyal ng gobyerno sa palpak, nasira at ghost projects.

Nagpahayag ng suporta sa kautusan ni Marcos sina Senador Bam Aquino, Alan Peter Cayetano, JV Ejercito, Sherwin Gatchalian, Risa Hontiveros at Panfilo Lacson.

Ayon kay Aquino, naunang naghain ng isang resolusyon na naglalayong imbestigahan ang pondo sa flood control projects na matutukoy ng audit kung saan napunta ang ginamit na badyet dito.

“Nais ko ring makita kung saan napupunta ang perang ito para sa madaliang panahon ay maitigil na natin yung pagbabaha sa ating bansa,” ayon kay Aquino.

Sa kanyang pagsuporta sa panawagan ng audit ni Marcos sa flood control projects, sinabi ni Cayetano na dapat nang masugpo ang katiwalian sa mga proyektong pang-impraestruktura.

Ayon kay Cayetano, matagal na niyang isinusulong sa Senado ang mga hakbang na ito kaya’t positibo niyang tinanggap ang utos ng Pangulo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsumite ng kumpletong listahan ng mga flood control projects na sinimulan o natapos sa nakalipas na tatlong taon.

“Noong araw, magyayabang ka sa SONA, at ang sinasabi ng mga dating Presidente ay ‘Babaha ng proyekto.’ Ngayon, he was honest enough to say y’ung mga proyekto ay palpak, ghost, kaya bumaha,” wika ni Cayetano nitong July 28, 2025.

Bago pa man ang SONA, mariin nang binatikos ni Cayetano ang sunod-sunod na pagbaha sa Luzon na aniya’y patunay na maraming proyekto ng gobyerno ay hindi tapos o hindi epektibo.

“Ang hilig kasi natin ay ‘case closed’ pero hindi ‘case solved.’ Palaging sinasabi na sarado na ‘yan, tapos na ‘yan, kahapon na issue na ‘yan, pero hindi naman na-solve y’ung issue,” ani Cayetano.

Sinabi naman ni Ejercito, na kailangan ang long term solution sa flood control  kaysa audit lamang.

“Kung walang national framework, parang we’re just patching leaks while the flood keeps, aniya, kaya hinikayat niya ang Kongreso na ipasa ang panukalang Masterplan for Infrastructure and National Development (MIND) Act.

“Kung may sablay, may dapat managot. Kung may kalokohan, may dapat makulong,” dagdag pa niya.

Giit naman ni Gatchalian na dapat direktang kinokompronta ang corruption sa infrastructure.

“Malinaw na malinaw na lalabanan niya ang korapsyon at ipapakulong niya ang mga sangkot,” giit ni Gatchalian.

Pinuri naman ni Hontiveros ang panawagan ni Marcos sa flood control.

“Kung sabi nila na iimbestigahan, ililista, ia-audit, mananagot kung may nangurakot, dapat lang para magkalabasan na,” ayon kay Hontiveros.

Inihayag naman ni Lacson na dapat  bigyang pansin ng miyembro ng parehong kapulungan ng Kongreso ang patama ni Marcos na “Mahiya naman kayo” – tungkol sa katiwalian sa flood control programs at sa pambansang budget.

“Kinap niya ang kanyang SONA na may babala ang alam niyang tinatamaan ang audience niya mismo, na nasa harapan niya. Kami, kaming lahat… Yan talab talaga sa buto yan. Pag di pa naman tinablan ang mga senador at saka mga kongresista, e talagang sagad na rin talaga sa buto na hindi nahihiya,” aniya. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here