NAGLALAKIHANG alon ang humahampas sa Navotas seawall dahil sa lakas ng hangin dala ng bagyong Uwan. JOJO RABULAN
MANILA, Philippines – Posibleng matapos sa loob ng susunod na dalawang linggo ang southwest monsoon o habagat, mas maaga sa karaniwang seasonal period nito, ayon sa PAGASA.
Sinabi ni PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section chief Ana Liza Solis na nakikita ng weather at climate experts ng ahensya ang posibleng epekto ng El Niño sa mas maagang paghina at pagtatapos ng habagat.
“So in few weeks time, in the next two weeks, possible na mag-terminate na po yung ating habagat,” ani Solis sa climate forum nitong Miyerkules.
Karaniwang umiiral ang habagat mula Mayo hanggang Setyembre o umaabot hanggang ikalawang linggo ng Oktubre at nagdadala ng pag-ulan sa kanlurang bahagi ng bansa. Ayon sa PAGASA, moderate to strong El Niño ang kasalukuyang nararanasan sa tropical Pacific at maaari itong umabot sa very strong state bago matapos ang 2026.
Sinabi rin ni Solis na maaaring mas maagang maranasan ang northeast monsoon o amihan, na karaniwang nagsisimula sa huling bahagi ng Oktubre hanggang unang bahagi ng Nobyembre.
Patuloy na minomonitor ng PAGASA ang kondisyon ng El Niño at mga pagbabago sa monsoon patterns sa bansa. RNT