MANILA, Philippines — Bukas ang state weather bureau PAGASA na makipagtulungan sa Department of Education (DepEd) para bumalangkas ng mga alituntunin sa pagsususpinde ng mga klase dahil sa matinding init.
Kasunod ito ng rekomendasyon ni Valenzuela Representative Eric Martinez para sa PAGASA na magbalangkas ng mga bagong protocol kasunod ng deklarasyon ng maraming paaralan mula noong nakaraang linggo na lumipat sa alternatibong paraan ng pagtuturo, kabilang ang mga online na klase at modular learning.
Sinabi ni Dr. Marcelino Villafuerte II, ang Deputy Administrator for Research and Development ng DOST-PAGASA, na limitado ang mga istasyon ng ahensya kaya maaaring mangailangan ito ng tulong ng iba pang tanggapan ng gobyerno.
“Of couse kailangan namin ng tulong ng mga local government units and even your other mandated agencies, para halimbawa iyong sinusulong na cancellation of classes pertaining to certain values of heat index ay pwede balangkasin with the Department of Education para sa gayon ay mas maging tumpak information po ang maiparating natin sa ating mga kababayan,” ani Villafuerte.
Sinabi ni Villafuerte na nasa mapanganib na kategorya ang heat index sa Dagupan City sa Pangasinan, La Union, Tuguegarao sa Cagayan, Palawan, Zamboanga City, Cotabato City.
Binabantayan din ng PAGASA ang iba pang lugar tulad ng Ilocos Region, Central Luzon, MIMAROPA at BARMM.
“I-limit natin ang time natin na we are spending outdoors lalo na sa katirikan po ng araw lalo na sa 10am hanggang 3 to 4pm medyo mainit po talaga. Kung idadagdag kasi natin ang pagpapadala ng sikat ng araw, dagdagan pa ang nararamdaman nating init ng araw, and then palagiang inom ng tubig para di tayo ma-dehydrate at iwasan ang paginom ng tsaa, kape soda,” payo ni Villafuerte. Santi Celario