Home NATIONWIDE ‘Zoonotic disease’ sa mga hayop minomonitor ng DA

‘Zoonotic disease’ sa mga hayop minomonitor ng DA

MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Agriculture (DA), na pinuno rin ng Philippine Inter-Agency Committee on Zoonoses (PhilCZ), na patuloy nitong minomonitor ang zoonotic diseases o impeksyon na maaaring maipasa mula sa mga hayop patungo sa tao.

Sa turnover ceremony ng chairmanship ng PhilCZ mula sa Department of Health (DOH) patungo sa DA, sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Constante Palabrica na kabilang sa mga sakit na ito ay ang rabies at highly pathogenic avian influenza.

Aniya, kailangan ng DA ng P20 milyon hanggang P30 milyon na badyet sa pagbili ng karagdagang anti-rabies vaccine.

Inendorso na umano niya ito para sa pirma ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Sa datos ng DOH, kabuuang 89 human rabies cases ang naitala mula Enero 1 hanggang Marso 16, 2024. Karamihan sa mga biktima ay nasawi.

Naitala naman sa Soccsksargen ang pinakamataas na kaso sa 12, sinundan ng Calabarzon at Bicol na may tig-11 kaso.

Samantala, sinabi rin ni Palabrica na mayroong tatlong kompanya na ang naaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) para magsagawa ng trial sa bakuna laban sa avian influenza.

“It’s still in process, ‘yung AI na bakuna. We’re just waiting for the results of the trial and from that, we can get an approval from the FDA,” dagdag pa niya.

Bukod dito, tinututukan din ng DA ang foot-and-mouth disease at anthrax.

“As of now, merong emerging diseases…and that is the foot-and-mouth disease. The foot-and-mouth disease, as of now, the Philippines is free. Wala tayong bakuna. Hindi naman ito naita-transfer sa tao,” ani Palabrica.

“We have the capability to produce the vaccine for anthrax and we can do immediate action against anthrax,” dagdag ni Palabrica. RNT/JGC