MANILA, Philippines – Tinawag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na isang “makabuluhang tagumpay” ang pagbaba ng US tariff rate para sa mga produktong galing sa Pilipinas, matapos ang kanyang negosasyon kay United States President Donald Trump.
Sa panayam sa media bago umuwi ng Maynila, ibinahagi ng Pangulo na mula sa dating 20%, ibinaba na sa 19% ang singil sa mga produktong Pilipino na pumapasok sa merkado ng Amerika.
“Naibaba natin mula 20% ang tariff rate para sa Pilipinas papuntang 19. Maaaring mukhang maliit lang na bawas ang isang porsyento, pero sa aktwal na epekto, ito ay isang malaking tagumpay,” ani Pangulong Marcos.
Dahil sa bagong kasunduan, pumangalawa na ang Pilipinas sa may pinakamababang US tariff rate sa mga bansa sa Southeast Asia, kasunod ng Singapore na may 10% dahil sa bilateral Free Trade Agreement.
Ang mga tariff rate ng iba pang ASEAN countries ay nasa pagitan ng 19-49%. Sa kanilang joint press conference sa White House bago ang bilateral meeting, inilarawan ni Trump si Marcos bilang isang “tough negotiator.”
“Siguro magkasundo kami. Pero isa siyang mahusay na negosyador. Mahal niya ang inyong bansa,” ayon kay Trump.
Kabilang din sa napagkasunduan ang pagtanggal ng Pilipinas ng tariff sa mga imported na sasakyang gawa sa Amerika.
“Aalisin na natin ang taripa sa mga American automobiles. Bubuksan natin ang merkado para rito,” pahayag ni Marcos.
Dagdag pa ng Pangulo, plano rin ng bansa na pataasin ang importasyon mula sa Amerika ng mga produktong soya, trigo, at gamot.
“Mas magiging mas mura ‘yung gamot natin,” aniya pa.
Nilinaw din ng Pangulo na marami pang detalye ang kailangang ayusin kaugnay ng mga partikular na produkto at tuntunin ng import at export.
Sa kasalukuyan, nananatiling isa ang US sa pangunahing trading partner ng Pilipinas, na may mahigit $20 bilyong halaga ng bilateral trade noong 2024. RNT