Home NATIONWIDE Pagbabayad ng benepisyo sa pamilya ng 3 nasawing OFW sa Dubai flood,...

Pagbabayad ng benepisyo sa pamilya ng 3 nasawing OFW sa Dubai flood, mamadaliin ng SSS

MANILA, Philippines – Siniguro ng Social Security System (SSS) nitong Biyernes, Mayo 10, na agad nitong aasistehan ang pamilya ng tatlong overseas Filipino workers (OFWs) na nasawi dahil sa matinding pagbaha sa United Arab Emirates noong Abril.

Sa pahayag ni SSS president Rolando Macasaet, inatasan nito ang lahat ng local offices na makipag-ugnayan sa mga pamilya nina Jenny Gamboa, Marjorie Saquing-Ancheta, at Dante Casipong para tulungan ang mga ito sa pag-file ng burial at death claims.

“We sympathize with the bereaved families of our kababayans who presumably have drowned after their vehicles got submerged in floodwaters in Dubai. Our branch personnel will help them process their benefit claims until they receive the SSS benefits,” ani Macasaet.

Matatandaang iniulat na nasawi sina Gamboa at Ancheta dahil sa suffocation matapos na malubog sa baha ang kanilang sasakyan, habang si Casipong naman ay nahulog sa sinkhole ang kanyang sasakyan.

Naibalik na ang labi ng tatlong OFW noong nakaraang linggo. RNT/JGC