Home NATIONWIDE Pagbagal ng ekonomiya ng Pinas, ‘di foreign conflict – Ex-DBM chief Diokno

Pagbagal ng ekonomiya ng Pinas, ‘di foreign conflict – Ex-DBM chief Diokno

1
0

MANILA, Philippines – Maling budget priorities, mahinang implementasyon at korapsyon ang tunay na dahilan ng pagbagal ng ekonomiya, at hindi ang global conflicts.

Ito ang iginiit ni dating Budget Secretary Benjamin Diokno sa kanyang pagdalo sa Kapihan sa Manila Bay nitong Miyerkules, August 12.

Ipinunto ni Diokno, domestic-driven ang paghina ng ekonomiya kung saan bumagsak sa 2.3% ang GDP growth sa Q2 2026. 

Aniya, maling sabihin na Russia-Ukraine o US-Iran war ang may kasalanan.

Sinabi naman ng Malacanang na  pansamantala lamang ang paghina ng ekonomiya at kabilang sa mga nakaapekto rito ang mga nagaganap na global conflicts.

Pero para kay dating Budget Secretary Benjamin Diokno, hindi mga problema sa ibang bansa ang pangunahing dahilan ng paghina ng ekonomiya.

Sa halip, aniya, dapat tingnan ang mga problemang nangyayari mismo sa loob ng bansa.

Aniya, apat ang pangunahing problema tulad ng  maling paggamit ng budget, maling prayoridad sa paggastos, mahinang pagpapatupad ng mga programa at proyekto, at korapsyon.

Binigyang-diin din niya na isa sa dahilan ang paraan ng paggastos ng gobyerno na sa halip na mapunta sa mga programang  lumilikha ng trabaho at nagpapalago ng ekonomiya, mas napupunta umano ang pondo sa mga ayuda.

“The quality of spending has also weakened. Spending priorities have shifted away from job creating and growth enhancing programs and towards social grants. Puro ayuda. Makita niyo yung budget ngayon. Napakadaling ayuda. That are more vulnerable to political patronage.” giit ni Diokno.

Para kay Diokno, hindi lamang dami ng ayuda ang dapat tingnan.

Ang mahalaga, aniya, ay kung nagagamit ang pera ng gobyerno para makalikha ng trabaho at mapalago ang ekonomiya.

Iminungkahi ni Diokno na ilaan ang  pondo sa mga trabahong kailangan mismo ng bansa—gaya ng construction, dredging o paglilinis at pagpapalalim ng mga ilog, at pagtatanim.

Aniya, mas makabubuti sa mga Pilipino ang magkaroon ng trabaho kaysa umasa sa ayuda.

Kasabay nito, binalaan ni Diokno ang gobyerno sa lumalaking bahagi ng budget na napupunta sa pagbabayad ng interest sa utang ng gobyerno.

Sa bagong budget projection, sinabi niyang umaabot sa 21.4 percent ang interest payments bilang bahagi ng budget.

Ayon kay Diokno, malayo ito sa dating target na humigit-kumulang 13 percent.

Kinuwestyon din niya ang  dating target na deficit para sa 2027 ay nasa 3.2 percent ng GDP, pero sa isinumiteng budget, sinabi niyang nasa 5.1 percent ang projection.

“Pero ngayon sa sinabit na budget, ang deficit natin is 5.1. So, di pa lang ang bagay yun, yung 5.1 versus 3.2. Several hundred billion siya, di pa rin sa’yo. So, sa’ng magagaling nila? Maghihirap tayong pera, Domestic and foreign. At sino babayad nyo? May 50 generation. Ang mga anak ninyo, nababayad nyo.”

Pinuna rin ni Diokno ang bumababang infrastructure spending kung saan sa kanyang pagsusuri, mula sa  5.17 percent ng GDP ngayong taon, inaasahang bababa ito sa 4 percent, at pagkatapos ay 3.96 percent.

Aniya hindi dapat maging dahilan ang kontrobersiya sa flood-control projects para tuluyang bawasan ang infrastructure investment. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here