Home NATIONWIDE Pagbagsak ng rocket debris sa katubigan ng Pinas, ibinabala ng PCG

Pagbagsak ng rocket debris sa katubigan ng Pinas, ibinabala ng PCG

32
0

MANILA, Philippines – Naglabas ang Philippine Coast Guard (PCG) ng maritime advisory kaugnay ng posibleng pagbagsak ng rocket debris sa Northern Luzon dahil sa nakatakdang paglulunsad ng Long March 7A rocket ng People’s Republic of China.

Ayon sa PCG, isasagawa ang paglulunsad mula sa Wenchang, Hainan, sa pagitan ng 12:08 a.m. at 1:12 a.m. Philippine Standard Time sa Mayo 27, 2026.

Natukoy ng ahensya ang mga posibleng drop zone ng debris sa katubigan ng Pilipinas.

Ang Drop Zone 1 ay nasa humigit-kumulang 41 nautical miles mula sa Burgos, Ilocos Norte, at 62 nautical miles mula sa Dalupiri Island, Cagayan. Ang Drop Zone 2 naman ay nasa 69 nautical miles mula sa Burgos, Ilocos Norte, at 81 nautical miles mula sa Dalupiri Island, Cagayan.

Pinayuhan ng PCG ang mga mangingisda, operator ng maliliit na sasakyang pandagat, at mga marino na iwasan ang mga natukoy na lugar sa oras ng paglulunsad at manatiling alerto sa anumang lumulutang na debris o kahina-hinalang bagay sa dagat.

Nagpaalala rin ang ahensya sa publiko na huwag lalapitan o pupulutin ang anumang pinaghihinalaang rocket debris dahil maaaring naglalaman ito ng mapanganib na materyales.

Ang sinumang makakita ng lumulutang na bagay o debris ay agad na inaatasang iulat ito sa pinakamalapit na PCG station o sa mga lokal na awtoridad para sa tamang imbestigasyon at paghawak. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here