MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng Civil Service Commission (CSC) na inamyendahan na ang resolusyon na nagbibigay ng civil service eligibility sa mga miyembro ng Sanggunian.
Ang bagong panuntunang ito ay nagpatibay at nagtatakda ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act (R.A.) Blg. 10156, na kilala rin bilang “An Act Conferring Upon Members of the Sangguniang Bayan, Sangguniang Panlungsod, and Sangguniang Panlalawigan, the Appropriate Civil Service Eligibility under Certain Circumstances, and for Other Purposes.”
Alinsunod sa R.A. 10156, ang Sanggunian Member Eligibility (SME) ay maaaring ipagkaloob sa mga sumusunod na Sanggunian Members, na nahalal pagkatapos ng bisa ng Local Government Code of 1991: Vice Mayor, bilang presiding officer para sa Sangguniang Bayan o Sangguniang Panlungsod; Bise Gobernador, bilang presiding officer para sa Sangguniang Panlalawigan; at regular na Sanggunian Members ng Sangguniang Bayan, Sangguniang Panlungsod at Sangguniang Panlalawigan.
Nabatid na ang SME ay hindi naaangkop sa mga sumusunod na Miyembro ng Sanggunian, na hindi nahalal sa kabuuan o ayon sa distritong pampulitika.
Ayon kay CSC Chairperson Karlo Nograles, layon ng isinagawang pag-amyenda na saklawin ang mas malawak na hanay ng mga Sanggunian Members na nais mag-aplay para sa mga posisyon sa career service.
“By amending the eligibility requirement for Sanggunian Members, we hope to recognize the years they have committed to serving the public as frontliners in local government units. Their wealth of experience and expertise constitutes a valuable contribution to the 1.9 million-strong civil service workforce,” ani Nograles.
Ang unang antas na SME ay bukas para sa mga nagsilbi bilang Sanggunian Member sa loob ng ng anim (6) na taon at nakakumpleto ng hindi bababa sa pitumpu’t dalawang (72) na mga yunit na humahantong sa isang baccalaureate o bachelor’s degree, habang ang pangalawang antas ng SME ay para sa mga opisyal na nagsilbi bilang Sanggunian Member ng siyam (9) na taon at nakatapos ng baccalaureate/bachelor’s degree.