Home NATIONWIDE Pagbisita ni Zelenskyy sa Pilipinas, natapos na

Pagbisita ni Zelenskyy sa Pilipinas, natapos na

MANILA, Philippines – UMALIS na ng Pilipinas si Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy matapos ang maikling working visit sa bansa.

Sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na umalis ng Pilipinas si Zelenskyy ng tanghali, araw ng Lunes, Hunyo 3.

Bago pa ito ay nagkaroon muna siya ng bilateral meeting kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kauna-unahan sa kasaysayan ng Pilipinas at bilateral ties ng Ukraine.

Bahagi ng kanyang delegasyon sa naging pagbisita sa Pilipinas ay sina Denys Mykhailiuk, chargé d’affaires ng Embassy of Ukraine sa Malaysia; Ihor Brusylo, deputy head ng Office of the President ng Ukraine, Chief Protocol; Roman Mashovets, deputy head ng Office of the President ng Ukraine, Chief Military Advisor; at Igor Zhovkva, deputy head ng Office of the President ng Ukraine, Foreign Policy Advisor.

Si Zelenskyy, dumating sa Pilipinas, Linggo ng gabi, Hunyo 2, nagpahayag sa gobyerno ng Pilipinas ng pagsuporta nito para sa pagkilos at hakbang para makamit ang kapayapaan.

Ikinagalak naman ni Pangulong Marcos ang pagbisita ni Zelenskyy sa Pilipinas para pag-usapan ang mga isyu na kahalintulad na kinahaharap ng dalawang bansa.

Sinabi nito na masaya siya na makita si Zelenskyy lalo pa’t hindi sila nagkaroon ng pagkakataon na magkaroon ng pagpupulong sa sidelines ng 2024 IISS Shangri-La Dialogue sa Singapore. Kris Jose