Home NATIONWIDE Pagbukas ng subdivision roads, pag-isa ng truck ban iminungkahi ng MMDA sa...

Pagbukas ng subdivision roads, pag-isa ng truck ban iminungkahi ng MMDA sa pagresolba ng Christmas traffic

247
0

MANILA, Philippines – Ire-rekomenda ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) na pinakaapektado ng Christmas traffic na buksan ang mga kalsada ng ilang gated villages upang makatulong sa pagluwag ng daloy ng trapiko.

Ayon kay Atty. Victor Nuñez, Director ng MMDA Traffic Management Group, kasama ito sa tatalakayin sa pulong ng MMDA, Metro Manila mayors, at mga opisyal mula sa karatig-probinsya ngayong Martes tungkol sa pamamahala ng Christmas traffic.

Tuwing Kapaskuhan, mas nagiging mabigat ang trapiko dahil sa dami ng taong namimili, dumadalo sa events, at bumibiyahe.

Noong Nobyembre 17 pa ipinatupad ang adjusted mall hours: bukas mula 11 a.m. hanggang 11 p.m. hanggang Disyembre 25, maliban sa weekends at holidays. Limitado rin ang mall-wide sales sa weekends lamang.

Sinabi rin ni Nuñez sa isang panayam na dapat magkapareho ang truck ban hours ng mga LGU sa Metro Manila at karatig-lugar upang maiwasan ang malalang traffic, tulad ng nangyari sa Marcos Highway kung saan umabot sa 6 oras ang pagkakastuck ng mga motorista.

Dagdag niya, nag-iisyu rin ang ilang LGU ng temporary permits para sa mga Christmas bazaars, na lalo pang nagpapasikip ng daloy ng sasakyan, bukod pa sa mga truck na hindi sumusunod sa truck ban.

Makikipagpulong ang MMDA sa traffic heads ng Cainta, Antipolo, Marikina, at iba pa upang hindi na maulit ang ganoong sitwasyon.

Plano ring tulungan ng MMDA ang mga LGU sa pag-aaral ng tamang pwesto ng U-turn slots at pag-calibrate ng traffic lights sa kahabaan ng Marcos Highway.

Sinabi pa ni Nuñez na hindi rin maayos ang sitwasyon sa EDSA.

Noong payday Friday, Nobyembre 17, nakapagtala ang MMDA ng 429,000 sasakyan, mas mataas kaysa sa daily average na 408,000. Tumataas pa raw ang volume habang papalapit ang Pasko.

Kaya hinihikayat ng MMDA ang publiko na gumamit ng MRT at bus carousel, na mas mabilis umano makapaghatid ng mga pasahero.

Nanawagan din si Nuñez sa mga private vehicle owners na huwag mag-park sa alternate o Mabuhay lanes, upang hindi maharangan ang mga alternatibong ruta. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here