Home NATIONWIDE Pagbuti sa PISA, gagawing gabay sa pagtalakay ng 2027 education budget –...

Pagbuti sa PISA, gagawing gabay sa pagtalakay ng 2027 education budget – Gatchalian

2
0

MANILA, Philippines – Inihayag ni Senate President Sherwin “Win” Gatchalian nitong Miyerkules, Setyembre 9 na dapat gawing gabay ang pagbuti ng performance ng Pilipinas sa 2025 Programme for International Student Assessment (PISA) sa pagtalakay ng 2027 national budget.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na mas itong dapat gamitin sa pagsusulong ng learning recovery, early childhood development, at teacher education reforms.

“Sa pagtalakay natin sa 2027 national budget, patuloy nating bibigyang-prayoridad ang mga repormang magpapatatag sa pundasyon ng ating mga mag-aaral, mula early childhood development hanggang teacher education, upang mas marami pa tayong makitang learning gains sa mga susunod na PISA results,” pahayag ni Gatchalian.

Naunang inihayag ng Department of Education, nakapagtala ang Pilipinas ng pagtaas sa tatlong pangunahing bahagi ng PISA. Sa reading, umabot sa 367 points o tumaas ng 20 points kumpara sa 2022. Sa science, naka-373 points o tumaas ng 17 points. At sa mathematics, naka-371 points o tumaas ng 16 points.

Para kay Gatchalian, patunay ito na nagsisimula nang magbunga ang mga reporma sa edukasyon at mga programang pang-learning recovery.

“Let us take pride in this achievement. It is truly encouraging to see that our collective efforts are bearing fruit, as reflected in the latest PISA results,” sabi niya.

“But the job is not yet done. We must sustain the momentum to ensure that these gains translate into lasting improvements in learning outcomes.”

Binigyang-diin din ni Gatchalian ang kahalagahan ng patuloy na suporta sa mga programa tulad ng Academic Recovery and Accessible Learning o ARAL Program.

Kasabay nito, tinanggap din ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2 ang resulta bilang pinakamahusay na performance ng Pilipinas sa PISA hanggang ngayon. Naitala rin anila ang pinakamalaking improvement sa reading sa buong OECD, habang kabilang din ang bansa sa mga pinakamabilis umangat sa mathematics.

Ayon sa EDCOM 2, gagamitin nila ang datos ng PISA kasama ang national at classroom-based assessments bilang mas malinaw na batayan para subaybayan ang progreso sa ilalim ng kanilang Final Report at National Education and Workforce Development Plan 2026–2035.

“We are on the right track, and we are gaining momentum. Our task now is to sustain it,” pahayag ng komisyon.

Sinabi ng EDCOM 2 na makikipagtulungan sila sa DepEd para suriin ang resulta ng PISA nang mas malalim. Titingnan nila kung paano umaasenso ang iba’t ibang grupo ng mag-aaral, anong mga kondisyon ang sumusuporta sa pagkatuto, at kung anong aral ang maaaring makuha mula sa ibang education system.

Binigyang-diin din ng EDCOM 2 na ang reporma sa edukasyon ay nangangailangan ng consistency of purpose, continuity in implementation, at commitment ng buong bansa.

Bagama’t may pagtaas, ayon sa datos ng OECD, mas mababa pa rin ang score ng Pilipinas kumpara sa average ng mga bansang miyembro nito sa reading, science, at mathematics. Dahil dito, binigyang-diin ng mga opisyal ang pangangailangan na gawing pangmatagalang improvement sa mga silid-aralan ang mga nakamit na gains. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here