Home NATIONWIDE Pagcor remittance sa BTr sumampa sa P3.8B noong Mayo

Pagcor remittance sa BTr sumampa sa P3.8B noong Mayo

MANILA, Philippines- Nakapagbigay ang Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) ng P3.27 bilyon sa Bureau of the Treasury (BTr) noong Mayo 2024.

Nakasaad sa datos na 25% ang itinaas nito mula sa P2.6 bilyon na naitala sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Ang pinakabagong remittance noong Mayo ang dahilan ng pagkakaroon ng PAGCOR ng kabuuan sa unang limang buwan ng taon na P17.38 bilyon, mas mataas ng 31% mula sa P13.25 bilyon sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Idagdag pa rito, ang end-May contributions ng Pagcor sa Treasury ay lumampas sa pre-pandemic levels ng P13.25 bilyon noong 2019, hudyat ng ‘recovery and resilience’ ng gaming sector kasunod ng mga hamon na dala ng COVID-19 pandemic.

Matatandaang nagpatupad ang pamahalaan ng mahigpit na ‘lockdown measures’ bilang tugon sa COVID-19 pandemic, simula noong Marso 16, 2020, at tumagal ng dalawang taon.

Nauna rito, iniuulat ng Pagcor na ang gross gaming revenues (GGR) ng bansa sa first quarter ng taon ay umabot sa P81.70 bilyon, mas mataas ng 18.5% mula P68.92 bilyon sa kaparehong quarter noong nakaraang taon.

Sinabi ni Pagcor chairman at chief executive Alejandro H. Tengco na nagpapatuloy ang record-breaking performance ng electronic games sector, dahilan para umabot sa P22.5 bilyon o mahigit anim na beses kumpara sa 2023 first quarter revenues na P3.5 bilyon.

“The E-Games revenue performance continues to exceed our projections, and this reflects how gaming technology and the proliferation of mobile devices is influencing not only our daily lives but our entertainment choices as well,” ayon kay Tengco.

“With the way technology is constantly shaping our lives and the way we do business, and even the way we choose to be entertained, the future of gaming clearly lies in this sector,” dagdag ng opisyal. Kris Jose