MANILA, Philippines – Magsasagawa ng unang pagdinig ang Truth Commission na binuo ng Simbahang Katolika at mga civil society group upang idokumento ang mga umano’y extrajudicial killings (EJKs) kaugnay ng kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte. Ayon kay dating ICC judge Atty. Raul Pangalangan, gaganapin ang unang pagdinig sa Biyernes, Agosto 14, sa Pope Pius Center sa Maynila.
Wala itong kapangyarihang magsampa ng kaso o magbigay ng hatol, ngunit layunin nitong pakinggan ang mga biktima, tipunin ang kanilang testimonya, at gumawa ng ulat na maaaring isumite sa mga ahensya ng pamahalaan at international human rights organizations.
Isa sa mga tatalakayin ay ang kaso ni Raymart Siapo, 19-anyos na napatay noong 2017 sa Navotas. Ilalahad din ang resulta ng pagsusuri sa kanyang mga labi.
Binigyang-diin ni Pangalangan na hindi layunin ng komisyon na siraan ang sinuman kundi ilabas ang katotohanan. Samantala, tinuligsa ni dating Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang komisyon at iginiit na ang mga reklamo ay dapat ihain sa tanggapan ng piskal at dinggin sa korte.
Ayon sa tala ng pamahalaan, humigit-kumulang 6,200 drug suspects ang namatay sa kampanya kontra droga, habang tinatayang umaabot sa 30,000 ang bilang ayon sa ilang human rights groups. RNT/MDS