MANILA, Philippines – Itinakda ng Regional Trial Court sa Tarlac City ang pagdinig sa petisyong magkakansela sa birth certificate ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa Setyembre, ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra sa pagdinig sa Senado.
“It has been raffled, your honor, and the hearing of this petition has been set sometime in September. I think September 18 if I’m not mistaken and the court has requested the Office of the Solicitor General to assist the process server of the court to serve the necessary summonses and notices to the parties concerned,” ani Gueverra.
Ang pahayag na ito ay kasunod ng paghingi ni Senador Risa Hontiveros ng update sa petisyon ng OSG na kanselahin ang birth certificate ni Guo na inihain ngayong buwan.
Sa naturang petisyon, sinabi ng OSG na hindi nakapag-comply ng legal requirements para sa late registration at kawalan ng supporting documents.
Ayon pa sa OSG, ang ama ni Guo na si Angelito ang nakapagparehistro ng kanyang birth certificate noong Nobyembre 2005 nang panahon na siya ay 19 anyos pa lamang.
Sa ilalim ng NSO Administrative Order No. 1-93, ang sinumang 18 taong gulang na at pataas ay dapat na personal na mag-apply para sa late registration ng kanyang kapanganakan
Ang kaso ni Guo ay malinaw na paglabag sa mandatory rule.
Bukod dito, sinabi ni Guevarra na mayroon ding “glaring inconsistencies” sa pagitan ng entries sa kanyang birth certificate at impormasyon sa iba pang public records.
Sa kanyang birth certificate, ang kanyang mga magulang ay sina Angelito Guo at Amelia Leal na kapwa idineklarang “Filipinos.”
Sa kabila nito, wala namang record ang Philippine Statistics Authority sa mga magulang ni Guo.
Wala ring rekord ng pagpapakasal ang mga magulang ni Guo sa local civil registry office o PSA.
Bukod sa petisyong kanselahin ang birth certificate ni Guo, naghain din ang OSG ng quo warrant case laban kay suspended Bamban mayor nitong Lunes, Hulyo 29. RNT/JGC