Home NATIONWIDE Pagdinig sa nadiskubreng droga sa Subic at Pampanga nagpapatuloy

Pagdinig sa nadiskubreng droga sa Subic at Pampanga nagpapatuloy

Manila, Philippines- Kinuwestyon ni Surigao Rep. Robert Ace Barbers kung paano na ang isang Chinese businessman ay may parehong Philippine at Chinese passports gayung mahigpit na ipinagbabawal sa China ang dual citizenship.

Sa pagpapatuloy ng pagdining ng House Committee on Dangerous Drugs kaugnay sa natuklasang multi-bilyong droga sa Pampanga at Subic ay nagpahayag ng pagkadismaya si Barbers sa isang Henry Bigay na kilala rin bilang Henry Cai Yang, isang Chinese citizen ngunit nakapag-renew ng kanyang Chinese passport noong isang taon sa kabila ng mahigpit na pangangailangan ng birth certificate sa aplikasyon.

Si Bigay ay isang incorporator ng Yatai International Corporation, ang kompanyang nauugnay sa Empire 999 Realty Corporation na siyang nagmamay-ari naman sa Pampanga warehouse kung saan nadiskubre ang droga na nagkakahalaga ng P3.6 bilyon.

Nakadiskubre rin ang mga awtoridad ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng P3.8 bilyon sa Subic Bay Freeport Zone.

Sa nabanggit na pagdinig ay ipinaalam ni Atty. Vicente Uncad ng Bureau of Immigration na batay sa rekord, si Bigay ay isang ‘native-born.’

Ipinaliwanag ni Uncad na, “If you are native-born, you still have to undergo naturalization or another process before you can apply for a Philippine passport.”

Napuna rin ng iba pang mambabatas ang magulong paliwanag ni Bigay sa pagdinig nang makuwestiyon ang ukol sa kaniang pagkakakilanlan at negosyo kung saan hindi malinaw kahit sa kanya ang kanyang posisyon at pagmamay-ari sa kompanya na lalong nagpagulo sa testimonya nito.

Ayon kay Bigay, kahit kailan ay hindi niya nakilala ang kanyang ina na si Maria Luisa Bigay kahit ito ang nakalagay na isa sa mga incorporators ng Yatai International Corporation.

Sa simula ng pagdinig ay nagbabala na si Barbers sa lahat ng imbitadong resource persons na patuloy na nang-iisnab sa pagdinig na dapat dumalo sa susunod na pagdinig kung hindi ay iisyuhan ito ng show cause order o arrest warrant kapag ikinontemp.

Ang pagdinig ay isinasagawa sa bisa ng House Resolutions 1346 na inihain ni Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., at 1351 na inihain ni Zambales Rep. Jefferson Khonghun. Meliza Maluntag