Home NATIONWIDE Paggamit ng AI sa online sexual abuse, ibinabala ng DOJ

Paggamit ng AI sa online sexual abuse, ibinabala ng DOJ

194
0

MANILA, Philippines – Nagpahayag ang gobyerno ng pagkabahala sa lumalaking banta na dulot ng artificial intelligence (AI) sa online sexual abuse ng mga bata.

Sa isang press conference sa Department of Justice (DOJ) noong Martes, Pebrero 10, bilang bahagi ng Safer Internet Day, sinabi ni Council for the Welfare of Children (CWC) Undersecretary Angelo M. Tapales na mula 2023 hanggang 2024, tumaas nang 1,325 porsyento ang AI-generated child sexual abuse materials sa buong mundo.

Ayon kay Tapales, bagamat kalahati ng AI ay kapaki-pakinabang para sa lahat, kabilang ang mga bata at matatanda, ang kabilang kalahati ay isang madilim at mapanganib na banta sa mga bata.

Samantala, sinabi ni DOJ Assistant Secretary Miechelle Anne S. Lapuz na ang pagkalat ng ganitong materyales ay hindi lamang nakakasama sa mga biktima, kundi normalisado rin ang ganitong gawain.

Tiniyak ni Lapuz na mahigpit na binabantayan ng DOJ ang isyung ito.

Aniya, mahalaga ang pagtutulungan ng gobyerno, media, NGOs, CSOs, at pribadong sektor upang ipahayag na ang ganitong gawain ay hindi katanggap-tanggap sa Pilipinas.

Hinikayat din niya ang publiko na ipagbigay-alam sa mga awtoridad kung may mga ganitong insidente sa kanilang lugar, komunidad, o paaralan.

Binalaan ni Tapales na ang Republic Act (RA) No. 11930, o Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act, ay mahigpit na nagbabawal sa pagkalat ng sexual abuse materials, kabilang ang mga nilikhang gamit ang AI.

Inamin niya na ang paglaganap ng AI-generated CSAEM ay nagpapahirap sa sistema ng law enforcement.

Dagdag pa niya, ang ganitong materyales ay maaaring gawing normal ang online sexual abuse ng mga bata.

Ipinaliwanag ni Tapales na ang AI ay maaaring mag-transform ng mga larawan ng mga bata sa CSAEM, lumikha ng CSAEM mula sa simula, o gumamit ng mga “nudifier” na nagtatanggal ng damit sa mga larawan.

Bukod dito, may mga AI applications na ginagaya ang sexual conversation sa mga bata, at nagbibigay pa ng tutorials o mungkahi kung paano abusuhin ang mga bata. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here