MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ng House Committee on Basic Education and Culture ang Department of Education at National Book Development Board (NBDB) sa paggamit nito ng imported na papel sa pagimprenta ng mga libro sa halip na gumamit ng locally made na papel.
Sinabi ni ACT Teachers Partylist Rep France Castro na nakakalungkot na kung kaya naman iproduce ng bansa ang papel ay kinakailangan pa na mag import sa ibang bansa.
Ipinaliwanag ni NBDP Policy Industry and Research Division Chief at Office-in-Charge Kevin Ansel Dee na may programa sa batas na pinapayagan ang tax at duty-free importation ng papel.
Aminado si Dee na sa laki ng kailangan para sa papel ay hindi na kaya na tugunan ito ng bansa.
“I believe given the volume and the price that we are looking at, hindi na po kaya. I believe there were some efforts to rehabilitate the paper industry here but locally po hindi nakakaya. Depende na po sa kind,” ani Dee.
Giit pa nito na may mga programa para palakasin ang paper industry ng bansa subalit hindi pa ito naipapatupad, aniya, malaking bulto ng imported paper ay napupunta sa mga broadsheets at mula noong 2010 ay nagkaroon ng pagtaas ng paper importation. Gail Mendoza