MANILA, Philippines- Patuloy ang search and rescue operation ng Philippine Coast Guard (PCG) sa 33 mangingisda mula Quezon at Camarines Norte na pumalaot sa kasagsagan ng bagyong Enteng.
Ayon sa PCG, nakausap pa umano ng may-ari ng FBCA Zshan na si Noreen Soronel ang 15 tripulante noong Sept. 3 matapos umalis sa Quezon, Infanta para mangisda sa Pacific Ocean noong Agosto 18.
Sa kasagsagan ng bagyo, pinayuhan ng PCG ang mga boat skipper na sumilong sa Barangay Calutcot sa bayan ng Burdeos Polikko Island upang maiwasan ang epekto ng bagyo.
Sa ulat naman noong Sabado mula sa PCG District Sputher Tagalog, ang mga mangingisda ng Palanan Isabela ay nakitang bahagyang lumubog ang bangka ngunit walang nakitang mangingisda.
Sa kabila naman ng pagpapadala ng drone, hindi pa rin mahanap ang mga nawawalang mangingisda.
Tiniyak naman ni Commodore Geronimo Tuvilla ng PCG-DST sa pamilya ng mga nawawalang mangingisda na pinakikilos na ang lahat ng available resources para mahanap at masagip ang kanilang mahal sa buhay.
Hinikayat ni Tuvilla ang publiko na nanatiling mapagmatyag at agad iulat sa mga awtoridad kapag may namataan o impormasyon sa mga nawawalang tripulante.
Samantala, noong Huwebes, iniulat ng Quezon provincial police na isa pang bangka ang RODA 1 mula sa coastal town ng Perez na may sakay na apat na mangingisda ang nawawala rin.
Kumpirmadong nasawi ang isang mangingisda na si Jose Panganiban matapos makita ang kanyang labi sa bayan ng Binzon noong Sept. 3. Jocelyn Tabangcura-Domenden