MANILA, Philippines – Hinimok ni Abra Rep. JB Bernos sa national government ang agarang pagpapatupad ng mga kaukulang hakbang laban sa posibleng pananalasa ng El Niño upang maiwasan ang krisis sa pagkain at kalusugan.
Ang panawagan ay ginawa ni Bernos, kasunod ng anunsyo ng PAGASA na may 79% probability na mamuo ang El Niño sa pagitan ng Hunyo hanggang Agosto na maaaring tumagal hanggang sa unang bahagi ng 2027.
“Ngayon pa lang, kailangang tutukan na natin ang strategy natin sa pagtugon sa El Niño para maiwasan ang lalong pagkakabaon ng bansa,” pahayag ni Bernos. “El Niño will negatively impact food security and public health, and it is up to us in government to exhaust all efforts to minimize its effects on our people,” giit nito.
Binigyang-diin ni Bernos ang kahalagahan ng pagpopondo sa mga farm inputs at post-harvest facilities upang manatiling produktibo ang mga magsasaka sa kabila ng banta ng tagtuyot.
Kasabay nito, isinusulong ni Bernos ang House Bill No. 6519 o ang Weather Ready Farmers Bill, na naglalayong magkaroon ng automatic payout system sa crop insurance para sa mga magsasakang maaapektuhan ng climate change.
Nangako rin ang solon na itutulak ang mas mataas na budget para sa sektor ng agrikultura sa susunod na taon upang matiyak na handa ang bansa sa epekto ng EL Nino. Gail Mendoza