Home NATIONWIDE Paghuli, pagpapanagot sa mga online scammer, pinaigting sa AFASA – BSP

Paghuli, pagpapanagot sa mga online scammer, pinaigting sa AFASA – BSP

1
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na napalakas ng Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA) ang pagpapatupad ng gobyerno laban sa online scams at financial fraud. Pangunahing may-akda at sponsor ng batas si Sen. Mark Villar.

Sa Senate Committee on Finance briefing para sa 2027 national budget, hiniling ni Villar sa BSP ang pagsusuri sa epekto ng AFASA, partikular kung mas marami nang scammer ang natutukoy at napapanagot.

“Bilang principal author at sponsor ng AFASA, nais nating malaman kung paano nakatulong ang batas sa pagpapatibay ng enforcement laban sa online scams at kung mas marami na ba tayong nahuhuli at napapanagot na scammers,” ani Villar.

Ayon kay BSP General Counsel Roberto L. Figueroa, nagbigay ang AFASA ng karagdagang mekanismo sa BSP para tugunan ang fraudulent transactions at protektahan ang financial consumers.

Kabilang sa mahahalagang nilikha ng batas ang Consumer Account Protection Office (CAPO), na nakatutok sa mga financial scam at kaugnay na reklamo.

Noong 2025, nakapagtala ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group ng 527 kaso na may kaugnayan sa AFASA, kung saan 447 ang nalutas o na-clear. Bumaba rin ang mga naiulat na online scam noong unang kalahati ng 2026, na bahagyang iniugnay ng BSP sa mas mataas na kaalaman ng publiko tungkol sa mga karaniwang scam.

Binanggit din ni Figueroa ang pag-aresto ng National Bureau of Investigation sa pitong Chinese national sa Parañaque City noong Disyembre 2024 dahil umano sa pagpapatakbo ng online scam operation at social engineering schemes na sakop ng AFASA.

Nakipagpalitan din ng impormasyon ang CAPO sa Securities and Exchange Commission, Cybercrime Investigation and Coordinating Center, Department of Justice at iba pang law enforcement agencies upang mapabilis ang imbestigasyon at pagbuo ng kaso laban sa mga scammer.

Pinalawak din ng AFASA ang kapangyarihan ng BSP na suriin ang mga financial account na posibleng ginamit sa scam o fraud kahit walang court order. Maaari ring ibahagi sa law enforcement ang impormasyong makukuha upang masundan ang galaw ng nakuhang pera at mapataas ang posibilidad na mabawi ito ng mga biktima.

Para kay Villar, patunay ang mga datos na may konkretong resulta ang AFASA sa kampanya laban sa financial fraud.

“Malinaw sa mga datos na may konkretong resulta ang AFASA. Mas napapalakas nito ang imbestigasyon at paghahain ng mga kaso, habang mas tumataas ang posibilidad na mabawi ng mga biktima ang perang nawala sa kanila,” ani Villar.

Sinabi rin niyang susuportahan niya ang karagdagang pagpapalakas ng mga batas at enforcement laban sa scams upang higit na maprotektahan ang publiko. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here