Home NATIONWIDE Pagiging bagong lider ng oposisyon, itinanggi ni VP Sara

Pagiging bagong lider ng oposisyon, itinanggi ni VP Sara

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng setimyento si Vice President Sara Duterte kaugnay ng mga balita na siya na umano ang maaaring maging bagong lider ng oposisyon kasunod ng pag-alis nito sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Sa trabaho ko at sa pagkatao ko at sa prinsipyo ko, hindi ako gumagalaw for the administration, for the opposition, or kung anuman ‘yang political na ‘yan. Ang galaw ko ay base sa kung ano ‘yung makakatulong sa ating mga kababayan, at kung ano ‘yung karapat-dapat,” ani Duterte.

Sa ngayon umano ay nakatutok siya sa 30-day transition plan para sa lahat ng strands ng Department of Education Central Office at mga proyekto at aktibidad ng Office of the Vice President.

“Sa politics, wala,” ayon pa kay Duterte.

Matatandaang sinabi ni dating presidential spokesperson Harry Roque na si Duterte na ngayon ang lider ng oposisyon matapos ang umano’y pagkakabuwag ng Marcos-Duterte alliance matapos na magbitiw sa pwesto si Duterte bilang DepEd secretary at vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Sa kabila nito, sinabi ni Speaker Martin Romualdez na dapat ay si Duterte ang gagawa ng anunsyo para sa kanyang political plans.

“I guess we’ll have to just hear it from the VP if and when the time comes for her to make statements or to make any policy or statements on policies of the national government,” sinabi ni Romualdez sa press conference noong Lunes.

Samantala, sinabi ni Albay Representative Edcel Lagman na ang Liberal Party pa rin ang nananatiling “genuine opposition.” RNT/JGC