MANILA, Philippines – NAUDLOT na maging National Polytechnic University (NPU) ang Polytechnic University of the Philippines (PUP) dahil sa ginawang pag-veto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa NPU bill.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro na bineto kasi ni Pangulong Marcos ang sinasabing bill dahil nagkaroon aniya ng direktiba noon pang 2016 na dapat magkaroon ng assessment.
Sa ngayon aniya ay lumalabas na hindi nagkaroon ng compliance o pagtalima para sa assessment para sa nasabing paaralan.
“Mananatili naman po ang Pangulo at umaasa siya na ang PUP po ay magkakaroon din po ng national university status kapag po na-comply po nila lahat ng mga requirements,” ang sinabi ni Castro.
Wala namang maibigay na impormasyon si Castro kaugnay sa partikular na requirement na hindi na-meet ng PUP para maipagkaloob dito ang hinihinging status ng paaralan.
“Sa ating nabigay na mga impormasyon, hindi po dinetalye kung ano po ito pero ito po’y naaayon din po sa pag-aaral at pag-reassess po sa mga nagawa po ng nasabing paaralan,” aniya pa rin.
Dahil sa pagbeto ng Pangulo, ang PUP ay malabo pang kilalanin bilang National Polytechnic University at makasama sa ranggo ng mga pambansang pamantasan gaya ng UP, Mindanao State University at Batangas State University. Kris Jose