MANILA, Philippines – Binabantayan ng Department of Health (DOH) Cagayan Valley ang mga evacuation center sa rehiyon para sa waterborne diseases, influenza-like illnesses, leptospirosis, at dengue (“W.I.L.D.” diseases) kasunod ng Bagyong Uwan.
Kasalukuyang nasa evacuation centers ang humigit-kumulang 10,200 pamilya o 31,168 indibidwal sa limang probinsya. Isinasagawa rin ang Dengue Rapid Diagnostic Tests at minomonitor ang mga non-communicable diseases tulad ng hypertension.
Namahagi ang DOH ng ₱1 milyon halaga ng hygiene at sanitation items, kabilang ang aquatabs, water containers, at hygiene kits.
Namahagi rin ng ₱1.4 milyon halaga ng gamot at health commodities—bitamina, gamot sa lagnat, ubo, sipon, pananakit ng tiyan at pagkahilo, at first aid kits—sa 35,710 evacuees sa Central Luzon.
Nagbigay rin ng libreng konsultasyon medikal, at nakahanda ang 45,300 tablets ng doxycycline para sa mga napilitang dumaan sa baha. RNT