Home NATIONWIDE Pagkasawi ng Pinay nurse sa Abu Dhabi may cover-up?

Pagkasawi ng Pinay nurse sa Abu Dhabi may cover-up?

Nagpapatuloy ang imbestigasyon sa pagkamatay ng isang Filipino nurse na si Reyna Jane Ancheta na natagpuang patay sa highway sa Abu Dhabi matapos mawala ng tatlong araw, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) nitong Sabado.

Sasagutin naman DMW ang flight ng asawa nitong si Kenneth Paul patungong United Arab Emirates (UAE) upang personal na masaksihan ang imbestigasyon hanggang maiuwi ang labi ng kanyang asawa.

Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na wala pa itong detalyeng ilalahad at ang pagbalik ng asawa ay nakadepende rin sa imbestigasyon.

Aniya, dadalhin ang mister ng biktima sa UAE upang masaksihan ang proseso ng pagpapa-uwi at imbestigasyon doon.

Nauna nang inihayag ni Kenneth Paul na simula Okt. 6 ay hindi na niya makontak ang asawa at kalaunan ay ipinaalam sa kanya ng kanyang agency na nasawi ito sa isang car accident.

Ikinakabahala ang mister sa posibleng cover up lalo’t naalala niya na nabanggit ng Filipino nurse na madalas itong natatakot kapag bumabalik gabi-gabi sa kanyang dormitoryo.

Si Reyna Jane ay nagtrabaho sa Al Raiaa Home Health Care sa Saudi Arabia. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)