Home METRO Pagkasawi ng stude leader sa NegOcc clash, kaso ng “terror grooming” –...

Pagkasawi ng stude leader sa NegOcc clash, kaso ng “terror grooming” – ELCAC

81
0

MANILA, Philippines – Tinawag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) nitong Lunes na kaso ng “terror grooming” ang pagkamatay ng dating student leader na si Vince Francis Dingding, matapos ang napaulat niyang pagkasawi sa engkuwentro sa pagitan ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Cauayan, Negros Occidental noong Mayo 16.

Si Dingding ay kabilang sa limang indibidwal na nasawi sa sagupaan ng mga pwersa ng pamahalaan at mga armadong NPA remnants, kung saan dalawa umano ang mga lider ng rebeldeng grupo, ayon sa task force.

Sa pahayag ng NTF-ELCAC, ang pagkamatay ni Dingding ay sumasalamin umano sa tinatawag nilang “CPP-NPA-NDF terror-grooming pipeline” na diumano’y nag-uugnay sa mga kabataang Pilipino mula sa aktibismo patungo sa underground recruitment at armadong pakikibaka.

“His death is another painful reminder of the continuing tragedy caused by the CPP-NPA-NDF (Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front) terror-grooming pipeline —a process that preys on the idealism of young Filipinos and draws them from advocacy spaces into underground networks and, eventually, armed struggle,” ayon sa ahensya.

Ayon pa sa task force, si Dingding ay dating aktibo sa mga student leadership circle at may kaugnayan sa komunidad ng University of the Philippines–Cebu, at umano’y may ginampanang papel sa mga political at organizational functions sa Southeast Front ng kilusan sa Negros.

Binanggit din ang mga ulat na may kaugnayan siya sa mga indibidwal na dati nang nasangkot sa mga aktibidad ng NPA sa lalawigan.

Giit ng NTF-ELCAC, hindi dapat ipagdiwang ang anumang pagkamatay ng Pilipino, ngunit binigyang-diin nito ang umano’y pattern ng pagre-recruit sa mga kabataan sa armadong tunggalian sa pamamagitan ng ideolohikal na impluwensya.

Nanawagan ito sa mga pamilya, paaralan, at komunidad na paigtingin ang pagbabantay upang matukoy ang mga maagang babala at maiwasan ang paglahok ng kabataan sa armadong grupo.

“Vince Francis Dingding must not become just another casualty statistic,” dagdag ng task force, na nagsasabing dapat itong magsilbing babala laban sa tinatawag nilang siklo ng recruitment, karahasan, at kamatayan. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here