Home OPINION PAGLAWAK NG GIYERA SA ME PAGHANDAAN

PAGLAWAK NG GIYERA SA ME PAGHANDAAN

HINDI maganda ang nagaganap sa Middle East o Gitnang Silangan para sa ating overseas Filipino workers, mapa-land based o sea-based ang mga ito.

Kasama sa mga land-based ang mga construction worker, kasambahay, nasa ospital, nasa mga hotel, transportasyon, industriya ng langis at iba pa habang seamen ang tawag sa mga sea-based o crew ng mga barko.

DELIKADONG SEAMEN

Halos lahat ng barko na dumaraan sa Red Sea ay may Pinoy seamen gaya ng 17 bilanggo pa rin sa Yemen makaraang hijackin ng mga Houthi ang barkong Galaxy Leader.

Ang Red Sea ay bahagi ngayon ng nagaganap na digmaan ng Hamas laban sa Israel dahil kampi ang mga Houthi sa Hamas.

Lahat ng dumaraong na barko sa Israel, mga pag-aari ng mga Israelita at pag-aari ng mga bansang supporter ng Israel ay target ng mga Houthi.

Bukod sa Galaxy Leader, may tatlo nang bahagyang nasunog na barko makaraang patamaan ng anti-ship missile ng mga Houthi – ang Maersk Hangzhou, ang Al Jasrah na pag-aari ng Hapag Lloy at isang  Malta Flagged.

Buhay ng mga Pinoy ang nakataya sa mga ganyang nangyayari.

Lalo na kung mga oil tanker mula sa Saudi Arabia, Egypt, Djibouti, Eritrea at iba pang bansa ang tatamaan.

Hindi basta matatakasan ng Pinoy seamen at iba pang mga crew ang oil tanker kapag lumiyab.

MAGKAKASUNOD NA PAGPATAY

May tatlong magkakasunod na pangyayari ang posibleng magpalawak ng digmaan sa Hamas-Israel war.

Pinakahuli ang pagpapasabog ng dalawang bomba sa libiningan ni dating Iran Revolutionary Guards Quds Force General Qassam Soleimani sa Kerman, Iraq.  

Mahigit 100 ang namatay rito na pawang mga Iranian na nag-alaala sa kamatayan ni Soleimani sa kamay ng mga Amerikano sa bisa ng drone attack.

Nauna rito, binomba ng Israel ang pwesto ni Saleh al-Arouri, number 2 Hamas leader, sa Beirut, Lebanon.

Namatay rin ang iba pang mga Hamas leader na kasama nito.

Sa Syria, ang Iranian general na si Sayyed Razi Mousavi ay namatay rin sa pambobomba ng Israel sa Syria isang linggo na ang nakalilipas.

Nagbabala ang Iran na gaganti sa pagkamatay nina Soleimani at Mousavi samantalang ipaghihiganti umano ng Hezbollah na nakabase sa Lebanon ang pagkamatay ni al-Arouri.

DELIKADONG LAND-BASED

Kapag tinotoo ng Iran at Hezbollah ang kanilang mga babala, tiyak na lalawak at babangis ang digmaan sa mga bansang nadadawit sa digmaan.

Bukod sa Pinoy seamen, tiyak na maaapektuhan din ang libo-libong land-based na OFW sa Lebanon, Jordan at Israel.

Maaaring aabot din ang digmaan maging sa Iran at Iraq.

Kung mangyari ito, ano-ano na ang mga plano at pagkilos ng pamahalaan ni Pangulong Bongbong Marcos para sa kaligtasan ng mga OFW?

Baka magkaroon na naman ng mga maramihang emergeny na evacuation na halos hindi kayang isagawa ng gobyerno.

Paano rin ang mga pamilya-OFW na maaapektuhan sa pagtigil ng mga padala ng kani-kanilang mga kamag-anak mula sa bansang may giyera, sa lupa man o sa karagatan?

Previous articleAmihan magpapaulan sa Luzon, easterlies sa Vis-Min
Next article#WalangPasok, Enero 5