Home NATIONWIDE Paglikha ng mental health offices sa SUCs suportado ng CHR

Paglikha ng mental health offices sa SUCs suportado ng CHR

MANILA, Philippines – SUPORTADO ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagpapasa ng batas sa Senado na naglalayong magtatag ng mental health offices sa mga state universities and colleges (SUCs).

Sinabi ni CHR chair Richard Palpal-latoc na ang batas ang magpapalakas sa implementasyon ng Republic Act No. 11036, o Mental Health Act, at Article 12 ng International Covenant on Economic, Social, and Cultural Rights of the United Nations, iginiit na ang bawat indibiduwal ay mayroong pangunahing karapatan na matamo ang ‘highest standard’ ng mental health.

“The establishment of mental health offices in SUCs is a vital step towards ensuring the mental well-being of students, faculty, and staff, thereby contributing to a healthier and more productive educational environment,” ayon sa kalatas ng CHR.

Ang Senate Bill 2598, mas kilala bilang SUCs Mental Health Services Act, kailangan na magbigay ang mga ito ng komprehensibong mental health services.

Layon din ng naturang batas na mag-hire at magsanay ng mental health professionals upang masiguro na ang interbensyon at paglapat ng lunas ay ibinibigay sa mga kwalipikadong indibiduwal.

Kabilang din ang pagtatatag ng 24/7 campus hotline, pagpapasimula ng mental health awareness campaigns, development ng rapid-response system para sa suicide at iba pang critical situations, at integrasyon o pagsama ng mental health services sa educational framework.

Dahil dito, nanawagan ang CHR sa dalawang Kapulungan ng Kongreso na magtulungan at bilisan ang pagpapasa ng mahalagang batas na susuporta sa mga kabataan at mangangalaga sa kultura ng mental health awareness at suporta.

Samantala, makikita sa report mula sa Philippine Mental Health Association Inc. at World Health Organization ang pagtaas ng kaso ng mental health na nangyayari sa Pilipinas.

Naging “silent epidemic,” ito sa bansa na nakaapekto sa 73% ng mga Filipino Gen Zs (13-26 taong gulang).

Ang pangingibabaw ng anxiety, depression, at iba pang mental health issues sa nasabing age group ay nagbibigay-diin sa pangangailangan ng “accessible at epektibong mental health services sa educational institutions. Kris Jose