Home HOME BANNER STORY Paglilinaw: Bulto ng droga na nasabat sa Batangas nasa P9.68B lang

Paglilinaw: Bulto ng droga na nasabat sa Batangas nasa P9.68B lang

MANILA, Philippines — Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkoles na nasa 1.4 tonelada lamang o P9.68 bilyong halaga ng crystal meth, na tinatawag na shabu, ang nasabat ng mga tauhan nito sa bayan ng Alitagtag sa lalawigan ng Batangas noong Abril 15 batay sa opisyal na bilang nito.

Sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo sa isang ulat na ang halagang P13 bilyon na ibinigay nung una ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay pagtatantya lamang.

“Yung almost 2 tons na ibinigay was just an initial estimate of PDEA na base sa itsura at laman ng sako pero wala pa pong actual counting na nangyari doon,” ani Fajardo sa isang phone interview.

“Then nung matapos po ‘yung inventory kahapon, ang nabilang na lahat ng laman ng sako it turned out na nasa 1.4 tons po yung official count ng mga illegal drugs,” dagdag pa ng opisyal.

Sinabi rin ni Fajardo na ang inilabas na numero ng Batangas police ay hindi isang corrected version, dahil isinara niya ang anumang implikasyon na maaaring nabawasan na ang mga nakumpiskang narcotics.

Ibinunyag niya na isinagawa ng PNP ang pagbibilang ng droga sa loob ng dalawang araw matapos itong ma-intercept, habang kinumpirma ng PDEA testing na shabu nga ang mga narcotics.

Batay sa ulat ng pulisya na inilabas niya sa media noong Miyerkules, isang lalaking suspek ang inaresto sa checkpoint operation at sumailalim na sa inquest proceedings noong Martes matapos siyang kasuhan ng paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Sinabi ni Fajardo na nasa kustodiya na ng PDEA ang mga nasabat na iligal na droga, habang nakakulong ang suspek sa Batangas Police Provincial Office.

Kasunod ng resulta ng opisyal na pagbibilang, lumabas sa mga talaan na ang P9.68 bilyong drug bust na ito ang pangalawang pinakamalaking paghakot ng droga matapos ang pagkakakumpiska ng P11 bilyong halaga ng shabu na nakuha sa 1,589 tea bags na nasabat sa Infanta, Quezon province, noong Marso 2022.

Bukod sa mga ito, nasabat din ng mga awtoridad ang 990 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon sa isinagawang buy-bust operation sa Tondo, Maynila noong Oktubre 2022. Santi Celario