Home NATIONWIDE Pagpapababa ng presyo, pagtitiyak ng suplay ng bigas, iniutos ni PBBM

Pagpapababa ng presyo, pagtitiyak ng suplay ng bigas, iniutos ni PBBM

99
0

MANILA, Philippines – Pababain ang presyo ng bigas!

Ito ang isa sa naging utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang, umaga ng araw ng Martes, Mayo 5, na ito ang inihayag ni Pangulong Marcos matapos pangunahan ang ikaanim na UPLIFT meeting sa Palasyo ng Malakanyang.

Kabilang sa mga tinalakay sa nasabing pagpupulong ang mga hakbang ng pamahalaan upang tiyakin na sapat ang supply ng langis at pondo ng pamahalaan para tuluy-tuloy lang ang serbisyo ng gobyerno sa mamamayang Pilipino at bantayan ang presyo ng mga bilihin.

“Huwag hayaang may mang-abuso sa sitwasyon ngayon na may krisis sa Middle East,” ayon kay Castro.

Iniutos din aniya ng Pangulo na aksiyunan ang mga hoarder at nagsasagawa ng profiteering.

At kapag napatunayan aniya na may sabwatan para tumaas ang presyo ng bigas, hindi mag-aatubili ang gobyernong kasuhan ang mga sangkot at ang maaaring pagpapataw ng price cap.

Sa ngayon ang utos aniya Pangulo kay Secretary Tiu-Laurel Jr. ay gawin ang lahat ng paraan para ibaba ang presyo ng bigas.

Sa direktiba ng Pangulo, patuloy na pinapatibay ng UPLIFT Framework ang coordinated response ng pamahalaan upang protektahan ang kapakanan ng sambayanan at patatagin ang ekonomiya ng bansa.

Matapos ang UPLIFT meeting, nakatakda rin aniyang pangunahan ni Pangulong Marcos ang 9thEconomy and Development Council Meeting mamayang hapon.

Layunin ng nasabing pagpupulong na himayin ang mga posibleng solusyon ng pamahalaan sa mga kasalukuyang hamon ng bansa.

Kabilang sa mga tatalakayin sa nasabing meeting ang pagpapaunlad sa mass transportation system sa tulong ng mas maayos na railway network.

Maliban dito, nakatakda ring talakayin ang pagpapatatag sa kapasidad ng Philippine Coast Guard upang panatilihin ang seguridad at kaayusan sa ating mga nasasakupang karagatan. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here